Advertisers
Isinusulong ngayon sa Kamara para maisabatas ang “Pantawid Pasada Fuel Program.”
Layon nitong matiyak na magtutuluy-tuloy ang ayuda ng gobyerno para sa sektor ng transportasyon.
Ang House Bill 221 ay inihain nina Rep. Mikaela Angela Suansing at Rep. Horacio Suansing.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, nais ng mga may-akda na maging batas ang “Public Transport Assistance Program” o ang Pantawid Pasada ng gobyerno, na nasa ilalim ng Executive Order No. 32 series of 2011.
Batay sa explanatory note ng mga author, hindi pa man nakakabanagon ng husto ang sektor ng transportasyon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, naapektuhan na naman sila ng mataas na halaga ng produktong langis na bunga ng tension sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
At bagama’t may dagdag-pasahe sa pampublikong jeepneys, mataas pa rin ang presyo ng diesel kaya maliit pa rin ang kita ng mga tsuper.
Kaya naman sa panukala, isinusulong na magkaloob ng “cash assistance” sa mga kuwalipikadong drayber at operators ng Public Utility Vehicles o PUVs, gaya ng jeepney, bus, taxi, vans for hire, multicab, tricycles at motor taxis.
Kapag naging ganap na batas, ang pondo para sa Pantawid Pasada ay magmumula sa koleksyon ng pamahalaan sa “excise tax” sa langis.
Pagdating sa halaga ng subsidiya, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng “one-time subsidy kada taon.
P7,500 hanggang P10,000 ang ipagkakaloob sa bus operators at drivers; habang nasa P5,000 hanggang P7,500 naman para sa mga taxi at van for hire, gayundin para sa tsuper at operators ng jeepneys at multicab. Kapag naman tricyle at motorcycle taxi, nasa P3,000 hanggang P5,000 ang subsidiya.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang tutukoy sa mga benepisyaryo at maglalatag ng criteria.
Hindi naman pasok sa cash subsidies ang mga operator na ang fleet ay mayroong higit sa limang units.
Kung maipapasa ito, lubhang napakalaking tulong ito sa mga tsuper at pamilya ng mga ito.
Direktang mabibiyayaan ang mga maliliit nating PUV drivers na talaga namang direktang tinamaan ng krisis.
Malaking karagdagan din kasi ang nasabing ayuda sa kanilang pang-araw-araw na kita mula sa pamamasada.
Karagdagang kita na susustina sa kanilang pangangailangan gaya ng pagkain, bayad sa koryente, tubig, baon sa eskuwela ng kanilang mga anak at kung anu-ano pa.
Ang krisis kasi sa ekonomiya ng ating bansa ay mas dama at nararamdaman ng mahihirap nating mga kababayan.
Kung noong una ay “ISANG KAHIG ISANG TUKA” ang bansag sa sektor ng ito, lumala pa ito nang dumating ang pandemya at ang krisis sa digmaan ng Russia at Ukraine dahil sa pagsipa ng presyo ng petrolyo.
Ngayon ay “TATLONG KAHIG AT WALA PANG MATUKA” ang marami sa mga kababayan nating Pilipino partikular na yaong nasa sektor ng transportasyon.
Sa maghapong pamamasada, suwerte na kumita sila ng 400-500 pesos.
Naniniwala tayo na sa inumpisahang inisyatibong ito sa Kamara ay agad itong iaakyat sa Senado para ganap nang maisabatas.
Sa ngayon at the rate the Marcos administration is going,dalawang malalaking sektor na ang tinutukan at nasimulan nang pagyamanin.
Una ay ang sa agrikultura at food production at ang transport sector nga.
Napakagandang senyales ito na ang gobyerno natin ngayon ay nakatutok talaga sa kapakanan ng taongbayan.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com