Advertisers
MALUGOD na binati at pinuri ng anak ni Las Piñas City Mayor Imelda na si Alelee Aguilar-Andanar ang Department of Education School Division Office ng Las Piñas kaugnay sa matagumpay na paglulunsad ng Project GUIDE ngayong Agosto 9,2022 sa Las Piñas City School Division Office.
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Aguilar-Andanar ang kanyang mga damdamin o sentimyento kaugnay sa matinding epekto ng pandemya sa sistema ng edukasyon at pinuri ang mga magulang sa mahalagang tungkulin sa proseso ng pag-aaral bilang tagapagturo sa tahanan o home educators.
Ang Project GUIDE o Goal to Unite Involvement for a Desired Enhancement for Parents, ay isang komprehensibong programa na layuning aktibong sumali ang mga magulang sa mga pamamaraan ng pagtuturo para sa kanilang mga anak.
Dumalo rin sa kaganapan sina Las Piñas City Councilor Rex Riguera, Assistant Schools Division Superintendent Juan C. Obierna, Education Supervisor Dr. Gina L. Aguitez, school heads, guidance advocates at educational program supervisors ng 43 na pampublikong eskwelahan sa lungsod.(JOJO SADIWA)