Advertisers
Patay ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng ex-boyfriend ng kaniyang nililigawan na nag-amok at sumugod sa apartment ng dalaga sa Pasig City.
Kinilala ang biktima na si Jordan Daos, 26 anyos at service crew supervisor. At ang salarin kinilalang si Paul Vincent Miranda o Bochok, dating nobyo ni Jessica May Chua.
Sa ulat, nangyari ang insidente hapon ng Huwebes sa apartment na inuupahan ng dalaga sa Bgy. Manggahan.
Ilang saglit pa, nasira ni Miranda ang pinto at dito nagpaikot-ikot ang kuha ng cellphone video.
“This person, sumisigaw na siya sa baba ng apartment ko. Eventually kasi naging friends naman din kami…” sabi ni Chua.
“I don’t know. Baka dahil hindi na namin siya pinapapasok… At this point sinabi ko naman sa kaniya na umiiwas na ako sa kaniya,” sabi ni Chua tungkol sa dahilan umano ng pagwawala ni Miranda.
Nang makapasok si Miranda sa apartment, dito niya pinagsasaksak si Daos, na bumisita lamang kay Chua para mananghalian.
Base sa paunang imbestigasyon ng Pasig Police, nanliligaw ang biktima kay Jessica.
Patuloy na inaalam kung selos ang motibo sa panunugod ng salarin.
Itinanggi naman ng mga kaanak ni Daos na nanliligaw ang biktima sa dalaga at magkaibigan lang sila.
Isinugod sa Pasig Doctors Medical Center si Daos pero binawian ng buhay nang tamaan ang kaniyang major artery sa hita at dumanas ng matinding pagdurugo.
Nagkasa ng manhunt operation ang Pasig Police laban kay Miranda.