Advertisers
TALAMAK na naman ang bentahan ng shabu sa mga bangketa. Parang hindi nabawasan ang mga tulak noong panahon ni Duterte. Tumindi pa!
Kahit napakarami nang pinatay na “narco politicians” at “ninja cops” ay andami paring drug couriers, ang iba bagets palang pero bigtime na!
Nitong Miyerkoles lang ng umaga, nasa 25 kilos na naman ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa may Roosebelt Avenue. Grabe!
Parang may pinahuhuli lang at may pinalulusot na mas malaking bulto para sabihing mainit parin ang gobyerno sa drug war. Tingin nyo, mga pare’t mare?
Isang concerned citizen ang nag-email sa aking tungkol sa talamak na bentahan ng droga sa kanilang lugar:
“Sir, ako po ay nanawagan dito po sa Balic Balic, Sampaloc Police Station-4, bukod po sa loob ng Aliwan st. o sa may riles na may bentahan at talamak ang droga ay dito rin po sa may gilid ng WILCON MART, harap ng drugstore mismo ng Wilcon, ay may mga nagbebentahan at nag- aabutan din ng pasimple at patagong nagbebentahan ng droga. Kung titignan mo sila ay ‘di mo mahahalata na walang binibenta dahil mga scavenger lang sila. Pero sa totoo lang ay ‘yan po mga ‘yan ang mga nagbebenta ng pasimple. Ang mga pangalan po ay “OBET”, “PEN PEN” at may dalawa pang mga nasa edad 36 to 38 anyos na kasamahan din nila. May nakasukbit pang balisong ang isang may kulay na buhok. Halos lahat ay mga yan ay nagbebenta at doon din nag-aabutan ng droga sa kanilang mga parokyano. Sana mahuli po ang mga taong ito.”
Kung sino man ang hepe ng MPD Sampaloc Police Station, aksyon pls!!!
***
Walang shortage ng asukal!
Ito ang lumalabas ngayon sa mga ginagawang pananalakay ng Bureau of Customs sa mga bodega kungsaan nabubunyag ang tone-tonelada pang mga sako ng asukal.
Simula nang lusubin ng mga operatiba ng BoC ang mga warehouse ng asukal sa Bulacan, Pampanga, Zambales, Maynila hanggang Cagayan de Oro City (Mindanao) ay higit 300,000 tonelada na ang nakumpiska, katumbas ng nabuking na balak ipa-import ng ilang “tiwaling opisyal” ng Departrment of Agriculture at Sugar Regulatory Adminisitration (SRA).
Sabi nga ng local producers ng asukal, imposibleng magka-shortage ngayon ng asukal dahil nagha-harvest na sila. Inaasahan nga nilang bababa ang presyo ng asukal dahil babaha ang suplay sa merkado sa sunod na buwan.
Sa tingin ko, kaya nagkukumahog mag-import ng asukal ang importers dahil umaani na nga ang local producers at hindi na sila (importers) makakapag-angkat pa.
Kapag nakapag-import kasi sila, malaki ang kita nila… at malaki rin ang magiging komisyon ng taga-DA at SRA. Daan-daang milyong piso yarn!
Teka, bakit hindi isailalim sa lifestyle check itong mga taga-DA at SRA na responsable sa pag-import ng asukal noong Duterte administration. Dahil sigurado ako na matagal na nilang gawain ang magdeklara ng artificial crisis sa agri products para lang makapag-import at kumamal ng daan daang milyong kickback! Mismo!!!