Regular na check-up ng mga timbangan sa palengke, iniutos ni Mayor Honey
Advertisers
INIUTOS ni Manila Mayor Honey Lacuna sa isang binuong grupo mula sa City Hall ang pag-iikot sa mga palengke upang tiyakin na maayos at walang daya ang mga timbangan na ginagamit dito.
Ito, ayon kay Lacuna ay upang pangalagaan ang mga mamimili mula sa posibilidad na maloko ng mga vendors gamit ang may dayang timbangan.
Sinabi ng lady mayor na gagawin ng city government ang lahat sa abot ng kapangyarihan nito na tiyakin na na hindi maloko ang mga mamimili at masayang ang kanilang pinaghirapang salapi.
“Sa mga manininda ng karne, baboy, isda at gulay, may continued inspection para tiyakin na tama ang presyo at ang timbangan ay walang pandaraya,” sabi pa niya.
Kaugnay pa nito, iniutos din ni Lacuna ang regular na inspection ng mga public markets upang tiyakin na ang lahat ng nagtatrabaho dito ay mayroong kaukulang health certificates.
Ang layunin nito, ayon sa alkalde ay upang matiyak na sariwa at malinis ang mga itinitindang hilaw na pagkain tulad ng karne, isda at gulay ng mga vendors at ligtas, milinis at maayos din ang kanilang paghawak sa mga ito.
Samantala ay inanunsyo ni Lacuna ang pagkakakumpiska ng may P250,000 halaga ng mga smuggled chicken breasts mula sa China.
Personal na ininspeksyon ni Lacuna ang mga nasabat na pitso ng manok sa isang bodega sa Tondo ng Veterinary Inspection Board (VIB).
Agad na iniutos ng alkalde ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga tao na nasa likod ng nasabing iregularidad at gayundin ang wastong pagsira sa mga nasabat na pitso ng manok. (ANDI GARCIA)