Advertisers
Mariing humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Philippine National Police – Firearms and Explosives Office (FEO) sa libo-libong mga licensed gun owners sa buong bansa hinggil sa mabagal na sistema ng Online System, partikular ang License to Own and Posses Firearms (LTOPF) at pag-re-renew ng mga lisensyadong baril ng bawat indibidwal.
Sa panayam ng Police Files Tonite sa bagong hepe ng FEO na si Police Colonel Paul Kenneth T. Lucas, nanawagan ang bagong hepe sa mga stakeholders na maging mahinahon hinggil sa nararanasang mabagal na approval ng mga LTOPF, Firearm Registration.
Ayon kay Col. Lucas sisikapin ng kanyang pamunuan na maibalik ang mabilis na serbisyong FEO sa lalong madaling panahon na ma-zero backlog ang mahigit sa labing limang libong (15,000) mga naglalakad ng LTOPF, Firearm Registration na halos dalawang buwan ng nakakaranas ng pagbagal.
Nabanggit din ng Col. ang bagong sistema ng pagpapalawig ng LTOPF at Firearm Registration na limang taon (5) hanggang sampung taon (10) validity na kung saan inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Samantala, nag-abiso naman ang pamunuan ng FEO na posibleng tumaas ang babayaran o ang fee ng bawat stakeholders at kanilang inaantay lamang ang IIR ng Philippine National Police.
Kinausap naman ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., si Col. Lucas na agarang pagpapatupad ng mabilis na serbisyo ng nasabing ahensiya kung sakaling matapos ang zero backlog.
Kasabay naman nito nanawagan din ang bagong talagang hepe ng PTCFOR Secretariat na si P/Lt. Col. Judy Jasmin Palicos na kung saan inaayos ang bagong sistema ng aplikasyon ng pagkuha ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR).
Sinabi ni P/Lt. Col. Palicos na magiging online application na ang sino mang kukuha ng PTCFOR at kinakailangan ang may LTOPF at Firearm Registration bago mag apply ng PTCFOR.
Itinanggi naman ng PTCFOR Secretariat hinggil sa mga naniningil na malaking halaga, partikular na ang mga bagong mag-aaply sa nasabing tanggapan.
Nanawagan ang bagong hepe na huwag lumapit sa mga fixer na naniningil ng mahal upang magkaroon lamang ng Permit to Carry.(GAYNOR BONILLA)