Advertisers
Tukoy na ng QCPD ang suspek na nanutok ng patalim at tumangay ng cellphone ng isang estudyante sa Brgy. Masagana, Quezon City nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Police BGen Nicolas Torre III, hepe ng pulisya, kinilala ang suspek na si Jonathan Ilustre Narciso alyas “Scarface”, residente ng San Mateo, Rizal.
Ayon kay Torre, malinaw ang kuha ng CCTV kaya mabilis nilang nakilala ang suspek na pabalik-balik na pala sa kulungan dahil sa kaso ng droga at iba pang krimen.
Kinumpirma rin ng misis ni “Scarface” na siya nga ang nasa viral video ng panghoholdap sa estudyante, ngunit tumakas na umano ito at nagtatago ang kanyang asawa.
Samantala, labis na takot ang naramdaman ng isang babaeng Grade 12 student nang tutukan siya ng patalim ni Narciso sa Quezon City. Nakuha ng salarin ang cellphone ng biktima na regalo ng kaniyang mga magulang para sa kaniyang kaarawan.
Sa video, makikita ang 17-anyos na biktima na papauwi na pero saglit na tumigil sa maliit na kalye para tingnan ang mensahe sa cellphone. Mula likod niya, lumapit ang salarin at tinutukan ng patalim sa leeg ang estudyante.
Makikita rin na nagpumiglas ang biktima. Kaagad namang tumakas ang salarin dala ang cellphone ng biktima.
“Inakbayan niya po ako nang mahigpit no’n sobra. Tapos po pagka-akbay niya po sa akin nang mahigpit no’n, tinutukan niya po ako dito ng matalim po. After po no’n, hawak na niya ‘yung phone ko po. Sobra po ‘yung pagkahigpit niya po sa leeg ko po talaga no’n so tina-try ko po talaga na umalis sa kaniya na kasi po natakot po talaga ako,” kuwento ng biktima.
“Pasalamat na rin po ako sa Panginoon dahil wala siyang ginawa sa anak ko, hindi niya sinaktan. Sana mahuli siya para wala na po siyang mabiktima na iba,” saad ng ina ng biktima.
Hinahanap na ng mga awtoridad si Narciso.