Advertisers
Pagkakataon na ni Usec. Camilo Cascolan na patunayang angkop at tama ang kanyang appointment bilang isang bureaucrat nang italaga ito sa Department of Health (DOH) matapos tumanggap ng kaliwa’t kanang batikos.
Napag-alaman na isang pyramiding scam ang natuklasan na talamak ngayon sa medical industry, partikular ang isang pharmaceutical company na hindi na muna pinangalanan.
Sinasabing hinihikayat ng naturang pharma company na sumama sa kanila ang mga doktor kapalit ng tumataginting na cash incentives.
Isang halimbawa ng modus ng grupo, ang pagpapasobra ng mga doktor sa preskripsyon sa gamot at iba pang produktong kanilang iniendorso. At dahil naghahabol ng cash incentives ang mga doktor sa halip na 100mg lang ang doses ng gamot ng pasyente, gagawin nila itong 200mg o 300mg para mag-top sa sales record ng pharma company.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), mapanganib at mali ang ganitong istilo dahil mayroong mga ethical standard na dapat sinusunod sa industriya. At nakataya ang buhay ng mga pasyente na ang doses ng gamot ay dapat na naaayon lang sa timbang at pangangailangan ng mga ito.
Dagdag pa ng FDA, na hindi rin mainam ang sobra kahit sa mga inumin tulad ng gatas at supplements.
Sinasabing bilyon-bilyon na umano ang kinikita ng nasabing pharma company dahil sa pagiging makasarili at pagiging sakim umano ng mga miyembrong doktor na hindi lang mga baguhan ang sumasali kung hindi pati na rin ang mga senior doctors at cardiologists.
Bukod sa cash na umaabot nang milyon-milyong piso, mayroon din pa-Lexus at pa-Rolex na pinapatos na rin ng mga nasabing medical professional.
Nanawagan ang mga mamamayan kay Usec. Cascolan, na ipatigil na ang ganitong uri ng pyramiding at networking sa industriya ng medisina at gamutan.
Hiniling din nilang imbestigahan ng iba pang kinauukulang ahensiya kabilang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine National Police (PNP) para matigil ang ganitong uri ng kalakaran sa pharmaceutical industry.