Advertisers
MABUTI at may sumulpot na Raffy Tulfo at Risa Hontiveros sa Senado after Frank Drilon na matapang mag-expose sa kalokohan ng mga opisyal sa mga ahensiya ng gobyerno.
Kung wala ang dalawang ito, baka makakalimutan na ng taong bayan ang Senado.
Bagama’t hindi abogado sina Tulfo at Hontiveros, nababara nila ang mga abogado’t engineer na mga opisyal ng bawat kagawaran na mayroong katiwalian.
Oo! Nagagawa nila ito dahil wala silang kinikilingan. Ang tanging kinikilala nilang “boss” ay ang taong bayan. Hindi katulad ng ilang kasamahan nila na tameme lamang sa bawat isyu dahil naninimbang, kasi may mga pinapanigan at pinoproteksiyunan. Mismo!
Ilan sa mga binangga ni Tulfo sa kanyang mga kasamahang Senador ay sina Cynthia Villar at Loren Legarda.
Nagkandautal din sa kanila ni Hontiveros ang mga opisyal ng Bureau of Immigration at Manila International Airport Authority (MIAA) sa isyu ng human trafficking.
What if kung subukan natin ang Tulfo-Hontiveros tandem sa 2028?
Say nyo, mga pare’t mare?
***
Mukhang may magandang sorpresa si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. sa taong bayan bago niya bitawan ang pagiging kalihim ng Department of Agriculture.
Say ni PBBM, mayroon siyang “timetable” bago magtalaga ng DA Secretary.
Sa tingin ko, ang gustong gawin ni PBBM sa DA ay ang magkaroon ng masaganang ani ang ating mga magsasaka para maibaba sa P20 ang kilo ng bigas na isa sa mga ipinangako niya kay Juan dela Cruz noong kampanya.
Abangan!
***
May napanood akong video sa Facebook ni suspended BuCor Director General Gerald Bantag na sumasayaw kasama ang mga kapwa niya Igorot.
That means hindi nagtatago si Bantag sa kinakaharap niyang “double murder” case kaugnay ng pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid at middleman na si “Jun” Villamor, isang inmate sa Maximum Compound ng New Bilibid Prison.
Sabi kasi ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) hindi na matagpuan si Bantag. Nagtatago na raw.
Pero maging si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, isang retired Police General at dating CIDG Chief, nagsabing mahirap hagilapin si Bantag dahil makapal ang pamilya nito at malawak ang kabundukan ng Ifugao.
Sa preliminary hearings, hindi sumipot si Bantag. Ang abogado lamang niyang si Balisong ang dumadalo sa pagdinig.
Nauna nang sinabi ni Bantag na sakaling maisyuhan siya ng arrest warrant ay hindi siya pahuhuli, lalaban daw siya ng patayan sa gobyerno. Araguy!!!
Susuko lamang daw siya kung mag-resign si Justice Secretary “Boying” Remulla. Boom!
Marijuana user daw si Boying. Hmmm…
***
Sisimulan uli sa December 12, 2022 ang voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Matatapos ang registration sa Enero 31, 2023, sabi ng Comelec.
Ang BSKE ay dapat gaganapin ngayong December 5 (Lunes) pero ipinagpaliban ng Oktubre 2023.
Pero may nakabinbin na petisyon sa Korte Suprema na dapat pawalang-bisa ang batas na nagpaliban sa BSKE.
Hinihintay pa ang desisyon dito ng Korte Suprema.