Advertisers
Hindi maitatatwa na may ilang Pinoy na kapag nakahawak ng baril ay nag-iiba ang takbo ng utak.
Nalilimutan na ang sinumpaan ukol sa tamang paghawak ng armas.
Waring umaakyat ang yabang sa ulo at nawawala sa katinuan.
Ang ilan na hindi naman awtoridad, ipinakikita pa ang baril sa baywang para ipantakot.
Marami nang buhay ang nasayang bunga ng walang katuturang paggamit ng baril.
Sina Claudio Teehankee at Rolito Go ay kapwa nasangkot sa mga krimen dulot ng baril nang paputukan nila nang walang kalaban-laban ang mga nakatalong kabataan.
Sa Pilipinas, hindi rin bago sa pandinig ang mga mamamahayag na nababaril at napapatay dahil sa kanilang trabaho.
Kaya inorganisa ang media security seminar at 1st Jonnel C. Estomo Invitational Media Fun Shoot sa pangunguna ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo.
Nag-enjoy ang lahat ng mga kapatid natin sa hanapbuhay sa fun shoot na ginanap sa NCRPO Firing Range sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, noong Disyembre 6.
Nagkampeon sa putukan si veteran at DWIZ senior reporter Raoul Esperas habang pumangalawa si Francis Soriano ng NCRPO Press Association at pangatlo naman si Val Leonardo ng pahayagang Remate.
Halos 100 shooters at gun enthusiasts ang sumabak sa fun shoot, kasama ang ilang DWIZ reporters at newswriters. Dahil naging matagumpay ang aktibidad, nagpasalamat si Estomo sa lahat ng mga sumuporta rito.
Bago nga pala ang putukan, aba’y nagkaroon muna ng seminar hinggil sa personal security ng mga media practitioners noong Disymbre 5 na sinundan ng firearms markmanship training kinabukasan.
Para kay NCRPO Spokesperson PLt. Col. Dexter Versola, mahalaga ang seminar at training dahil makatutulong ito sa mga miyembro ng media upang maprotektahan ang kanilang mga sarili habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Maliban kina Versola at Estomo, present din sa event ang iba pang masisipag at magigiting na NCRPO officials, kabilang si PCol. Julius Guadamor. Sa totoo lang, importante ang media security training at marksmanship seminar.
Sa ganitong paraan, natututo ang mga mamamahayag sa paghawak ng baril sa anumang uri ng posisyon at sitwasyon. Aba’y sa ilang oras ko lang na pagsalang sa training at fun shoot ay napakarami ko nang natutunan.
Tandaan na talagang napaka-krusyal ng tamang paghawak at paggamit ng baril upang maproteksyonan ang ating sarili at gamitin sa tamang paraan.
Maraming salamat nga pala kina Gen. Estomo, LtCol. Versola, Col. Guadamor, Col. Joseph Garcia, sa mga magagaling na instructors at staff ng NCRPO Public Information Office (PIO), gaya ni PMSg Chriss Santos, at iba pa.
Makaraan ang nakakapagod na putukan, nagkaroon ng Media Christmas Party & Fellowship sa Hinirang Hall ng NCRPO Headquarters na dinaluhan naman ng iba’t ibang press corps at district directors.
Nakangiti ang lahat matapos ang party. Sabi nga, walang umuwing luhaan. Lahat ay may bitbit na manok, cash, at itlog noong umuwi.
May mga indibidwal at grupo ng mga mamamahayag na nanalo ng lechon kambing, buhay na kambing, lechon baboy, at cash prizes na kung hindi ako nagkakamali ay nasa P5,000 hanggang P15,000.
Ganyan kamahal ni Gen. Estomo at ng buong pwersa ng Metro Manila Police ang media.
Congrats nga pala sa lahat ng mga nagwagi at siyempre, maraming salamat, Team NCRPO.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
***
Samantala, malapit na raw palang matapos ang Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Muntinlupa City.
Ayon kay City Mayor Ruffy Biazon, “[m]agagamit natin ang data para sa pagbuo ng mga programa na tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan [base] sa nakuhang socio-economic situation [ng] households, infrastructure, education, environmental risk at marami pang iba.”
Pahayag ni Biazon, 84% nang tapos ang CBMS survey sa Munti, maliban na lang sa ilang natukoy na problem areas na mahirap daw pasukin ng mga enumerators tulad halimbawa ng mga exclusive subdivisions sa lungsod.
Binanggit pa ng butihing alkalde na ang CBMS ay makatutulong sa localization ng Sustainable Development Goals (SDG) at magagamit sa pagtamo ng kanyang 7K Agenda na hinango mula sa United Nations Sustainable Development Goals (UNSDG).
Maliban dito, sinabi rin ni Biazon na makatutulong din ang sistema para sa pagsasakatuparan ng F.R.E.E. Service with a Smile program (Fast, Responsive, Efficient and Effective Service) ng kanyang administrasyon.
Mabuhay po kayo, Mayor Ruffy, at God bless!
***
Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat at stay safe!