Advertisers
KARMA!
Ito ang mga post ngayon sa social media ng mga kamag-anakan ng mga biktima ng extrajudicial killings sa nakaraang administrasyong Duterte.
Ayon sa human rights group, mahigit 30,000 ang pinaslang sa “pekeng” war on drugs ng Duterte administration. Pero sa datos ng Philippine National Police (PNP), higit 5,000 lang ang nasawi sa ‘Oplan Tokhang’ na ipinatupad ni noo’y Chief PNP ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kung noon ay si Dela Rosa ang nagbibigay ng reward sa mga pulis para todasin ang mga “adik” kuno, ngayon ay siya naman ang tinutugis ng mga pulis at may patong na P50 million mula sa national govt. at another P20m mula sa alkalde ng Cagayan de Oro City na si Klarex Uy.
Isa si Uy sa mga naging biktima ng war on drugs kuno ni Duterte. Isinama ang kanyang pangalan sa narcolist, at ang kanyang anak ay biktima ng extrajudicial killings.
Kaya maging ang 1st district congressman ng Cagayan de Oro City na si Lordan Suan ay gigil na makaganti kay Duterte, Sinabi niyang kapag hindi pa sumuko si Dela Rosa sa pagtapos ng isang linggong palugit Biyerne ng gabi, Oktubre 31, ay isusulong niya sa Kamara ang paglabas ng resolusyon para sa “shoot to kill” order laban sa wanted Senator. Araguy!!!
Si Dela Rosa, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remula, ay nagtatago sa kampo ng organisadong armed group sa Mindanao.
Bagama’t hindi binanggit ni Remulla kung anong armed group ito, sinasabing ito’y nasa kampo ng kilalang front commander ng MILF na si “Bravo”.
Hindi lang kumpirmado kung totoong sinabi ni Bravo na dadanak ang dugo kapag kinuha sa kanila si Bato.
Nitong huli ay pumayag naman si Bravo na pasukin ng mga awtoridad ang kanilang kampo para hakughugin kung nandun nga si Bato.
Hmmm… baka pinalayas na nila si Bato para walang gulo. Puede!
Samantala, naglabas ng statement ang pamunuan ng MNLF na hindi nila kinakanlong si Bato. Pinabulaanan nito ang mga lumabas na balita na itinatago nila ang senador.
Kung wala nga sa kampo ng MILF at MNLF si Bato, saang lungga kaya ito nagtatago ngayon? Sa laki ng reward na nakapatong sa kanya, tiyak mayroong maglalakas-loob na ituro siya. Peks man!
Si Bato ay may arrest mula mula sa International Criminial Court (ICC). Isa siya sa mga co-perpetrators ni ex-President Rody Duterte sa kasong crime against humanity kaugnay ng mga pagpaslang noong sila ang may hawak ng Pilipinas.
Si Duterte ay higit isang taon nang nakakulong sa ICC facility sa The Hague, Netherlands. Ongoing na ang paglilitis sa kanya.
Ang anak naman ni Digong na si Vice President Sara ay nahaharap sa impeachment trial.
Pag na-impeach si Sara, ang utol niyang si Baste raw ang tatakbo sa pagka-pangulo sa 2028.