Advertisers

Advertisers

Magsasaka sa Gapan, humiling ng imbestigasyon kay PBBM

0 19

Advertisers

Nanawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga magsasaka sa Sitio Sangilo, Barangay Macabaklay, Gapan City, Nueva Ecija na imbestigahan ang mga reklamo kaugnay ng pagmamay-ari ng mga lupain sa lugar, na umano’y may kaugnayan sa pamilya ni Nueva Ecija 4th District Rep. Emerson “Emeng” Pascual.
Ayon sa Bayanihan Magsasaka ng Sangilo Association Inc. (BMSAI), nangangamba ang kanilang mga miyembro na mawalan ng mga lupang kanilang sinasaka dahil sa umano’y panggigipit na ibenta o lisanin ang kanilang mga ari-arian. Ang mga lupain ay malapit sa solar project ng Terra Solar Philippines Inc., sa ilalim ng Meralco PowerGen (MGEN), na kasalukuyang isinasagawa at pinapalawak sa lugar.
Sinabi ni BMSAI spokesperson Mary Jane Bote na nais nilang mabigyan ng pansin ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing at matiyak na mapoprotektahan ang karapatan ng mga magsasaka. “Magalang po kaming nakikiusap sa Pangulong Bongbong Marcos na protektahan ang interes naming mga abang magsasaka ng Sitio Sangilo na ngayon ay pwersahang itinataboy mula sa aming lupain,” ani Bote.
Hiniling din ng grupo na siyasatin ang mga transaksiyon sa lupa sa Gapan, kabilang ang mga alegasyong may kinalaman sa pamilya Pascual. Ayon sa BMSAI, nais nilang malaman kung may mga iregularidad sa mga bentahan at kung nasunod ang mga karapatan ng mga magsasakang naninirahan at nagsasaka sa lugar. Wala pang inilalabas na resulta ng anumang opisyal na imbestigasyon kaugnay ng kanilang mga pahayag.
Nauna nang iniulat ng mga magsasaka ang umano’y paglalagay ng lupa sa kanilang mga access road gamit ang heavy equipment, na anila’y nakahadlang sa kanilang pagpasok sa mga sakahan. Binanggit din ni Bote ang mga insidente noong Marso at Setyembre kung saan, ayon sa kanilang grupo, naharang ang farm-to-market road ng mga armadong lalaki. Ang mga pangyayaring ito ay nananatiling bahagi ng kanilang mga reklamo.
Ikinuwento rin ni Bote na ilang miyembro ng BMSAI ang dumalo sa isang pulong sa bahay ni Pascual noong Pebrero 29, 2024. Ayon sa kanyang salaysay, sinabi umano ng kongresista na nabili na niya ang malaking bahagi ng mga lupain sa lugar, ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye. Sa naunang ulat, itinanggi ni Pascual ang mga paratang na iniuugnay sa kanya.
Hiniling din ng BMSAI na siyasatin ang pag-aangkin ng isang Rey Tan sa mga pinagtatalunang lupain. Ayon kay Bote, nais nilang malinawan kung ano ang batayan ng pagmamay-ari ni Tan at kung may iba pang mga taong sangkot sa mga transaksiyon. Nanawagan din sila sa pamunuan ng MTerra na ilahad ang mga pangalan ng mga pinagkunan nito ng mahigit 3,500 ektaryang lupain na ginagamit ng solar project.
Naniniwala ang mga magsasaka na mahalagang masuri rin ang mga lupain sa paligid ng proyekto na maaaring isama sa pagpapalawak nito. Hiniling nila sa pamahalaan na magsagawa ng patas at malayang imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan, matiyak ang legalidad ng mga transaksiyon sa lupa, at mapangalagaan ang karapatan at kabuhayan ng mga magsasaka sa Sitio Sangilo.