Advertisers
ARESTADO ang isang 56-anyos na public elementary school principal at apat na iba pa sa buy-bust operation sa San Jose, Dinagat Islands nitong Biyernes, Oktubre 30.
Isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit-13 at Regional Intelligence Division-13, katuwang ang San Jose Municipal Police Station at Dinagat Islands Provincial Mobile Force Platoon, ang operasyon 12:45 ng umaga sa Barangay Don Ruben.
Ayon kay Dinagat Islands Police Provincial Office director Colonel Glenn Sampaga, pangunahing target ng operasyon ang alyas “Wel,” isang elementary school head na itinuring ng mga awtoridad na high-value drug personality.
Kasama ring inaresto ang apat na residente ng Barangay Don Ruben na kinilala lamang sa mga alyas “JB,” “Yan-Yan,” “Dodo” at “Tata,” pawang tinukoy ng pulisya bilang street-level individuals.
Nasamsam sa operasyon ang walong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng shabu, kabilang ang sachet na ginamit sa buy-bust.
Tinatayang nasa 1.5 gramo ang kabuuang timbang ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P10,000.
Nakatakda silang sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).