Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
ISA ang pelikulang My Teacher mula sa TEN17P and TinCan sa official entry sa darating na Metro Manila Film Festival. Bida rito sina Toni Gonzaga at Joey de Leon. Mula ito sa direksyon ni Direk Paul Soriano.
Sa nasabing pelikula ay gumaganap si Joey bilang isang senior citizen na nagbabalik sa pag-aaral at teacher naman niya si Toni.
Sa media conference ng nasabing pelikula na ginanap sa Winford Hotel sa pakikipagtulungan ng Godfather Productions ni Joed Serrano, tinanong si Joey kung paano niya ide-describe si Toni, ang sagot niya,”She is powerful. Ang hindi ko makakalimutan ay nung pumunta sila (Toni at Direk Paul)sa bahay ko.”
Natutuwa naman si Toni na nakatrabaho niya si Joey. Na ayon sa kanya ay idol niya ang komedyante.
“Bata pa lang ako, idol ko na talaga si JDL. I remember, bumibili ng tabloid and newspapers ‘yung Daddy ko, tapos pinapabasa sa akin lahat dahil kapag kasama ko raw si JDL, dapat alam ko ang nangyayari sa paligid,” sabi ni Toni.
Dagdag niya,”Sabi ng Daddy ko, dapat daw ang iniidolo ko eh ‘yung mga tumatagal sa industriya katulad ni JDL.”
Ayon pa kay Toni, bilang siyang sumulat ng My Teacher ay si Joey talaga ang naisip nila ni Direk Paul na gumanap bilang kanyang estudyante.
“Kung nag-no si JDL, hindi talaga namin muna itutuloy ang pelikula.”
Si Toni ay dating co-host ni Joey sa Eat Bulaga. Ibinuking ni Joey na nagtampo siya noon kay Toni nang umalis ito sa nasabing noontime show.
“Galit ako noong araw sa kanya nu’ng nilayasan kami. Nagtampo ako talaga. Pero nung nalaman ko na ang napangasawa ay si Paul, okay na. Nagtampo talaga ako dahil love… baby namin ito e. Kaya nung nawala… E selfish lang kami noon,” pagbabalik-tanaw pa ni Joey
Nawala naman din agad ang tampo ni Joey kay Toni. Siya pa mismo ang tumawag sa aktres at matapos magkapaliwanagan ay nagkaayos din.
Masaya nga si Joey sa kinahinatnan ng career at buhay ni Toni ngayon.
“Pero good for her. Natutuwa kami sa nangyari. So, masaya ako sa sinapit ni Celestine (Toni),” ani pa ni Joey.
***
KASAMA rin sa cast ng My Teacher ang magka-loveteam at magkasintahang sina Ronnie Alonte at Loisa Andalio.
Malungkot na ikinwento ng dalawa na nawalang parang bula ang P1 billion nila at mga cellphone matapos mabiktima ng Basag-Kotse Gang.
Naganap ang insidente noong December 1, sa mismong araw ng pormal na pagbubukas ng pag-aari nilang cafe and resto sa isang lugar sa Bacoor, Cavite.
“Galing kami sa isang ganap tapos dumaan kami sa cafe namin, tutal naman ‘yun na ‘yung way namin malapit lang, eh. Parang dumating kami 8 p.m., pasara na ‘yung cafe,” sabi ni Ronnie.
Patuloy niya,“Tapos balak namin mag-picture lang ng mga products, mga food, para may ma-post kami sa social media.
“And umalis na kami agad siguro mga 9 p.m.. Saktong-sakto papasara na ‘yung cafe. Pagbaba namin basag na ‘yung sasakyan.”
Nakita pa raw ni Ronnie ang mga suspek matapos basagin ang kanyang kotse sa windshield ng pag-aari niyang Jeep Wrangler Wagon.
“Ang nakakatakot pa du’n is tumambay ako sa terrace sa may labas. May terrace du’n, eh. Nakatitigan ko pa ‘yung bumasag ng sasakyan namin.
“Nakita ko ‘yung mukha. Hindi ko nakitang binasag eh, kaya nu’ng nagkapulis, nu’ng lumapit sa amin, hindi ko ma-explain sa kanila kung ‘yun ba talaga yung bumasag.
“Na-confirm lang nu’ng ni-review na sa CCTV. And hanggang ngayon iniimbestigahan pa rin nila. Hindi pa nahuhuli. Pero sana mahuli kasi ayaw namin na may mabiktima pa siyang iba,” paliwanag pa ni Ronnie.
At bukod nga sa tatlong iPhones, nabanggit ni Ronnie na may P1 billion din silang crypto currency sa natangay na cellphone na hindi na nila ma-retrieve.
“Bangko kasi namin nandu’n. ‘Yung mga naka-save namin. Meron pa kaming crypto sa phone na nawala na may malaking halaga din. Kaya medyo nakakalungkot din.
“Ngayon wala na yung na-save namin. More or less, siguro 1B (pesos). Pag crypto mahirap kasi once na nawala, wala na talaga. So hindi na mababalik,” malungkot na pahayag ng aktor.
Sabi naman ni Loisa, ilang oras din silang nanatili sa police station para i-report ang nangyari, “Hindi na siya nabubuksan kasi nasa cellphone talaga siya, eh.
“Pag nawala na, kasama na yung value. Feeling ko hindi na nila makukuha kasi may password. Ini-report na namin sa bangko pero kapag crypto kasi baka wala na kasi. Hanggang alas-tres ata kami sa police nung time na yun na madaling araw,” aniya pa.
“Nakaka-trauma talaga yung experience na yun. Nabenta na yun feeling ko, kasi na-locate yung cellphone namin sa Find My Phone, nandun na sa Festival Mall. Wala na, nabenta na yun. May nakabili na. Pero okay lang, safe na. Huwag na lang maulit,”
Ang My Teacher ay ipalalabas na sa mga sinehan simula December 25.