Advertisers

Advertisers

Ilang high-profile inmates ‘di nasawi sa Covid-19 kundi sinadyang patayin

0 185

Advertisers

HINDI nasawi sa Covid-19 ang ilang high-profile inmates na sinabing nagkasakit sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kundi sinadya raw silang patayin, kuwento ng isang person of deprived liberty (PDL).

Kabilang sa mga ito ang isang convicted drug lord na sinabing nasawi sa atake sa puso kaugnay ng Covid-19.

Isinalaysay ng PDL na si Rodel Tiaga ang tunay na sinapit ng ilang high profile inmates na sinabing namatay Covid-19 sa Bilibid.



“Natakot ako, Sir. Iniisip ko na ‘yung nangyayari sa kanila pwedeng mangyari sa akin,” sabi ni Tiaga matapos siyang sunduin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa NBP para sa imbestigasyon.

Nagtatrabaho si Tiaga sa tinatawag na “Site Harry” o lugar kung saan dinadala ang mga PDL na nagpositibo sa Covid-19.

Kasama sa dinala sa naturang lugar ang convicted drug lord na si Eugene Chua.

Sa death certificate ni Chua, nakasaad na namatay ito June 2, 2020 dahil sa ‘cardiopulmonary arrest’ na ang underlying cause na Covid-19.

Pero iba ang kwento ni Tiaga. Nakita niya raw ang totoong nangyari. Sinupot daw ito.



“Lona na ginawa lang siyang supot. ‘Yung isa nakahawak sa tali ‘yung isa naman nakahawak du’n sa supot, ginanon kay Eugene hatakan silang dalawa hanggang sa bumagsak si Eugene du’n sa harap nila,” ani Tiaga.

Nang matapos ang ginawa kay Chua, binanggit din ni Tiaga na pinaghugas siya ng plastik na ginamit kay Chua.

“Ang cleaner po ang nagbigay sa akin eh. Sabi niya ‘Del pakihugasan mo ito.’ Hinugasan ko po du’n sa public CR. Mayroon kasi du’n tub na nandoon ang hugasan. Iniisip ko nga, sir, baka ito ang gamitin sa akin,” dagdag pa ni Tiaga.

Nang tanungin kung bakit ngayon lang siya naging handa na sabihin ang lahat sinabi niya, “Alam naman natin na noong panahon nila Bantag eh talaga naman siguro kung magsasalita ka isa hanggang dalawa, eh talaga naman ipapanganib ng buhay mo. Ngayon sir, kumbaga payapa.”

Hinihingan pa ng reaksyon si suspended Bureau of Corrections director general Gerald Bantag ukol sa mga pahayag ni Tiaga.

Magiging bahagi ang mga sinabi ni Tiaga sa ginagawang imbestigasyon ng NBI sa pagkamatay noon ng high profile inmates, sabi ng NBI.

Bukod kay Chua, kasama sa high profile inmates na namatay umano sa Covid-19 sa Bilibid noong 2020 sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong at Amin Buratong.