Advertisers
HINDI maalis ng sino mang tao ang kinagisnan ano man ang tayo sa buhay. Walang pagsisino kahit saan lugar, kaharap, okasyon o ano pa man. Ang mahalaga’y mapakita kung sino siya lalo’t galing sa angkan ng may kaya. Walang pakundangan sa pagsasalita sino man ang tamaan kung interes ang naka taya. Marami nito sa bansa lalo’t yung ginagamit ang yaman upang makapanungkulan at gawing tuntungan upang lalong mapalaki ang yaman. Mapagkunwari o mapagpanggap ang naturang lahi may puna ang mga kasamang nanunungkulan. Maraming ulit itong napapansin sa social media kung paano humarap sa mga pagdinig sa mga usapin na inilalatag sa komite ng mataas na kapulungan ng kongreso. Sa totoo lang minsan na itong nakatalo ang sumbungan ng bayan sa isang pagdinig kung saan naisiwalat ang ilang modus ng negosyo nitong pabahay sa maraming lugar sa bansa. Hindi maitago ng aleng matapobre ang pagkadismaya sa idolo ng bayan ng sabihin nito ang usapin ng mga magsasaka sa bansa higit ang conversion ng mga sakahan tungo sa mga subdivision. Parang bulkang sumabog ang reaksyon ng aleng mambabatas.
Sinubaybayan ang kilos ng aleng walang leeg, may batas itong tunay na pinagmamalaki ang “Rice Tariffication Law”. Batas na nagpabaha ng mga imported na bigas sa bansa na dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga magsasaka na nagtatanim ng mga palay. Hindi tamad ang mga magsasaka, ang mataas ang presyo ng pagtatanim na dahilan ng pagbaba ng produksyon ang nagtulak dito na lisanin ang sakahan. Patunay nito, ang halaga ng produksyon ng palay na nasa P11.52 kada kilo habang ang bentahan ng ani nasa P16.00, magtitiis pa ba sa kainitan sa silong ng araw. Isang mapait na katotohanan na hindi maka pagbaba ng presyo ng palay / bigas kontra sa mga angkat na bigas dahil sa taas ng produksyon. Paano makasasabay ang local na bigas sa imported na bigas sa merkado? Hindi napag-uusapan ang baratang bilihan mismo sa mga sakahan upang may mapakain sa pamilya ang mga magsasaka sa araw ng bilihan. Samantala, nakatuon ang ayuda ng RTL sa mga magsasaka na lumilinang ng 2 hektarya pababa, na hindi karamihan ang bilang.
Sa pinagmamalaking batas ng aleng walang leeg, napatunayan na ‘di ibig itaas ang produksyon ng mga magsasaka sa halip nakatutok sa mga negosyante ang batas at paano mapapakinabangan sa pagbaba ng ani ng mga magsasaka. At sa pagbaba ng produksyon malamang na pipiliin ng mga magsasaka ang maghanap ng ibang hanap buhay sa labas ng sakahan. Resulta, abandonadong sakahan na walang pakinabang. Kalalabasan, bentahan ng lupang sinasaka sa kung sino ang mabilis na maghahain ng halaga duon mapupunta. Ano ang masasabi ni Kamella sa usaping ito?
Sa isang pagdinig namangha si Mang Juan ng napakingan at napanood ang mambabatas sa paghawak nito sa komite ng agrikultura sa mataas na kapulungan ng Kongreso. Nariyan na halos kainin nito ang mga kinatawan ng sangay ng pamahalaan na naimbitahan sa pagdinig. Hindi masikmura ang panlilibak nito sa mga kawani ng pamahalaan na hindi ibig ang sagot sa tanong na ipinupukol. Hindi dahil ‘di alam ang itutugon sa halip iba ang nais na marinig sa sinasabi. At dahil ang aleng walang leeg ang bida sa pagdinig, ang mga naimbitahan na mga kawani’y nanahimik sa halip na ipaliwanag ang dapat. Ang masakit tinitira ng aleng walang leeg ang pagkatao ng mga naimbitahan na kesyo bobo kahit may mataas itong kwalipikasyon.
Palamanan natin ng ilang kaganapan sa Senado kung saan isang sangay ng Kagawaran ng Agrikultura ang humarap sa pagdinig. Hindi masagot ng tauhan ng sangay ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang ipinupukol na tanong ng aleng walang leeg sa kadahilanan na may ibang ahensya ang dapat sumagot nito. Tila nairita ang ale pinapalabas na hindi dapat ito ang nakaupo sa ahensya bilang puno dahil hindi alam ang isasagot. Salamat sa tulong ng isang resource person at binanggit na ang NEDA ang dapat sumagot sa tanong na ‘di sinagot ng kawani ng BAI. Subalit naglitanya ang senadora ng kagalingan at ‘di dapat ang kaharap ang naroon at hindi ito dapat maging puno ng ahensya kahit doctorate degree pa ito. Sa pagdinig na nasabi, ipinamumukha ng aleng walang leeg na ‘di mahal ng kawani ang kapwa Pilipino hinahayaan ang pagdami ng mga angkat na bilihin livestock sa merkado. Ang kagalingan nito ipinalalabas pang at siya lang ang nagmamalasakit sa mga Pilipinong hirap sa mataas na presyo. Di ba napakasakit magsalita ng aleng ito? Ano RTL?
Sabihin na lang na may kahinaan ang mga kawaning nabanggit ngunit iba ang dating kung maging ang pagkatao ng kawani ang nililibak. Hindi makatwiran sa mga career officials na humaharap sa mga pagdinig na bulatlatin maging ang personal na buhay nito. Hindi kinakitaan ng pagiging magalang ang aleng walang leeg lalo’t sa mga kawani ng gobyerno na mas mababa ang pwesto sa kanya. Nariyan na sinasabihan na kung di mo kaya ang trabaho umalis ka. Sa totoo lang, masakit sa loob na masabihan na ‘di mo kaya ang trabahong na nasa balikat mo lalo’t may katagalan na sa serbisyo. Ang hindi masagot na katanungan ay hindi kabobohan lalo’t galing sa iba ang kautusan. Ngunit tila walang excuse sa aleng alang leeg lalo’t sa isang mababang kawani.
Sa takbo ng mga pagdinig na sinusundan, hindi maalis sa isip kung bakit ganun ang asta ng aleng walang leeg sa mga kawani ng pamahalaan na mababa ang pwesto sa kanya. Ang mga ito’y inimbitahan upang magbigay liwanag sa usapin ngunit labis maging ang pagkatao na ng mga ito’y isinasalang sa usapin. Hindi ba batid ng ale na ang mga ito’y kagalang galang lalo’t nakamit ang pwestong tangan dahil sa dedikasyon at pagsisikap sa trabaho. Hindi makatwiran na libakin ang mga ito dahil ‘di halal ng bayan. O’ baka nagbabangong puri dahil sa nakaraang mga pagdinig na nahubaran ang negosyo ng pamilya. Sa totoo pa rin, maging ang mister nito’y ‘di makita sa tabi o dumidistansya dahil sa ugaling hindi mailarawan ng misis na matapobre.
Sa totoo lang, minsan nang natanawan ang mister nitong batang Tondo, ala itong ere o hangin sa katawan. Payak ang pananamit, malumanay kung magsalita at ‘di kakikitaan ng pagiging arogante maging sa layo ng naabot. Ngunit taliwas ang ipinapakita ng aleng walang leeg, dahil ba ito’y galing sa Buena Pamilya kung saan walang puwang ang kung sino lalo’t ang maliliit o mahihirap. Hindi kinakitaan ng kababaang loob ang aleng walang leeg higit sa pwestong tangan na tila nagamit sa pagpapayaman. Ang pagiging mayaman ba’y kaakibat ng kawalan ng puso sa mahirap at kadalasan sanhi ng pagiging mata pobre sa kapwa lalo sa mahirap. Tama ba Mang Manny?
Maraming salamat po!!!