Advertisers
Umaapela si Senator Sherwin Gatchalian para sa striktong pagpapatupad sa batas na Anti-Bullying Act of 2013.
Tugon aniya ito sa lumalalang insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa na iniuugnay sa mababang performance ng mga learner.
Tinukoy sa pag-aaral na isinagawa ng isang propesor ng De La Salle University na batay sa 2018 Program for International Student Assessment (PISA), ang mga mahihina o hindi marunong bumasa ang mas lantad sa bullying at nakararanas ng “low sense of belonging.”
Bukod sa mariing pagpapatupad ng batas laban sa bullying, binigyang-diin din ni Gatchalian ang papel ng Child Protection Committee (CPC) sa mga eskwelahan para maiwasan ang bullying.
Ang CPC ang inaatasan na humawak ng mga kaso ng bullying sa mga pribado at pampublikong paaralan.
Pinatitiyak ng senador sa Department of Education na dapat ay may CPC ang bawat paaralan sa buong bansa at nasisigurong ito ay may nakalatag na agarang pagtugon, pag-uulat, imbestigasyon at pagdidisiplina sa mga bully.
***
Samantala patay ang isang 13-anyos na estudyante matapos saksakin ng kaniyang menor de edad na kaklase dahil umano sa selos sa loob mismo ng Culiat High School sa Barangay Culiat, Quezon City.
Ang biktima ay nakilalang si Mohammad Abtani Alfhasi, 13, Grade 7 student, tubong Jolo, Sulu at residente ng Basilan St., Salaam Compound, Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa report ng Holy Spirit Police Station (PS 14) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-5:45 ng umaga nitong biyernes nang maganap ang insidente.
Magkaklase umano ang biktima at ang suspek nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil umano sa selos.
Sa loob ng kanilang paaalan ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa saksakin ng binatilyo ang biktima.
Agad na isinugod ang biktima sa New Era General Hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-6:20 ng umaga, ayon kay Dr. Lovenia Manzo.
Makalipas lamang ang ilang oras ay naaresto naman ng mga awtoridad ang binatilyo sa kanilang tahanan.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na 15-anyos na grade 7, tubong Cotabato at nakatira sa Cotabato St., Salaam Compound, Brgy. Culiat, QC.
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:30am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.