Advertisers
NAKAKALULA – at nakakagalit – ang datos na ipinakita ng mga opisyales ng DFA sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers noong nakaraang linggo. Ayon sa DFA, 1,278 OFW ang naharap sa akusasyon ng iba’t ibang krimen sa mga bansa na kanilang pinagtratrabahuhan, ngunit wala kahit isa sa kanila ang napawalang sala sa unang kalahati ng 2022.
Sa 1,278 OFW na inakusahan ng krimen, umabot sa 946 OFW ang nalitis sa hukuman at 322 sa kanila ang nasentensiyahan at nakakulong sa iba’t-ibang piitan. Wala kahit isa ang lumusot o napawalang sala kahit binigyan ng DFA ng tulong legal ang mga naharap sa akusasyon.
“Zero acquittal” ang kinalabasan. Bokya sa madaling salita ang mga nilitis na OFW. Sa pag-amin ng DFA na bokya ang iskor, nagpanting ang tenga ng mga mambabatas. Baka hindi totoong tinulungan ng DFA, ani Senador Raffy Tulfo, chairman ng komite. O mahinang klase ang mga abogado na kinuha ng DFA, aniya.
Hindi nakapangatwiran ang mga opisyal ng DFA na pinangungunahan ni Undersecretary Ernesto dela Vega. Mas maigi na mayroon abogado imbes na wala, ang pipilay-pilay na katwiran ng DFA. Binara siya ni Raffy Tulfo na nagsabing hindi tama ang katwiran ni dela Vega. Mukhang pipitsugin ang mga mananaggol na kinuha, ani Tulfo. Maigi na kumuha ang gobyerno ng mga mahusay na abogado na kakatawan sa mga OFW, aniya.
Nanatili na ang pagluluwas ng mga obrerong Pinoy bilang isa sa mga pangunahing haligi ng pambansang ekonomiya ng Filipinas. Itinayo noong nakaraang taon ang Department of Migrant Workers upang tulungan ang mahigit 10 milyon OFW na nagkalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Pinamumunuan ni Susan Ople bilang unang kalihim ang bagong tatag na kagawaran.
***
NANGANGANIB na maubos ang mga nars sa ating bansa. Isa sa dahilan ay ang programa ng ibang bansa upang hikayatin ang mga Filipino na nars na doon sa kanila sila magtrabaho. Unang pang-akit ay ang laki ng kanilang buwanang suweldo na umaabot sa mahigit sa tatlong ibayo sa kanilang natatanggap dito.
Umaabot ang suweldo ng mga nars na Filipino sa $2,500, o P137,500 sa palitan na P55 kada dolyar, sa Estados Unidos, o 2,000 Euro sa Britanya, Alemanya, at mga bansa sa European Union. Sa Filipinas, umaabot sa P30,000 hanggang P33,000 ang buwanang sahod ng nars sa mga pampublikong ospital at Mula P9,000 hanggang P15,000 sa mga pribadong ospital.
Bukod sa mataas na suweldo, may mga programa ang mga bansang Kanluranin upang umunlad ang kakayahan ng nars na Filipino sa pagtratrabaho. “Upskilling” ang tawag nila sa mga programa.
***
NOONG Sabado, dumalo sa Saturday News Forum, ang lingguhang media forum kung saan ang inyong lingkod ang convenor, si dating propesora Nancy Rotor-Peralta, ang isa sa maraming biktima ng bank fraud, o panlilinlang sa mga kliyente at depositor na nawalan ng libo-libong halaga ng kanilang deposit. Kasama niya ang limang depositor na nabiktima ng mga sindikato. Ipinaliwanag ng 80 anyos na retiradong propesora ang modus operandi ng mga sindikato.
May mga obserbasyon ni Prof. Peralta:
1. Karaniwang biktima ay ang mga senior citizen, or iyong mga “very senior,” 70 anyos pataas. Sila iyon hindi masyadong kabisado ang online technology, o ang online banking na nakabatay sa makabagong teknolohiya.
2. Hindi nalalayo na kakutsaba ng mga kasapi sa sindikato ang mga empleyado ng bangko. Masyadong kabisado ng mga kasapi ng sindikato ang mga detalye sa pagkatao ng mga biktima.Hindi maalis ang pagdududa na ang mga empleyado ng bangko ang nagbigay ng mga detalye sa mga sindikato.
3. Palaging destinasyon ng mga ninakaw na deposit sa ilang piling account sa Union Bank. Ginagamit rin ng sindikato ang InstaPay at G-Cash upang makuha nila agad sa cash ang mga nakulimbat na salapi.
4. Hindi kumikilos ang mga bangko kahit may reklamo ang mga ninakawan na depositor. Sa mga ninakawan na kliyente ng Security Bank, kailangan maghintay ng 20 araw bago sila kumilos. Wala rin ginagawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kahit may poder sila na subaybayan ang mga pribadong bangko.
5. Hindi ganap na itinuro ng mga pribadong bangko sa kanilang mga depositor ang makabagong teknolohiya ng online banking. Dahil hindi kabisado ng mga depositor ang online banking, madali silang pinaikutan at nilansi ng mga kasapi ng sindikato upang nakawin ang kanilang pinaghirapang salapi.
6. Tinitiktikan ng mga kasapi ng sindikato ang mga “dormant account,” o iyong hindi ginagalaw ng mga depositor. Madalas na hindi napapansin kaagad ng mga depositor ang kanilang dormant account. Hindi kaagad sila nagsasampa ng reklamo.
7. Kung hindi kaagad makumbinsi ng mga sindikato ang mga depositor na i-enrol ang kanilang mga account sa online banking, tinatakot nila ang mga ito at sinasabing hindi sila makakapagtransakyon sa mga bangko. Ito ang dahilan kung bakit na-enrol ang kanilang mga account sa online banking at nananakawan ng malaking halaga ng mga sindikato.
***
SA KANYANG pagharap sa media forum, ipinaliwanag ni Prof. Nancy Peralta na plano ng mga biktima ng bank scam ang magharap ng class suit laban sa mga bangko kung saan ninakaw ang kanilang pera na inilagak. Ang ibig sabihin ng class suit ay sama-sama maghaharap ng iisang asunto o reklamo laban sa kanilang mga bangko. Sa ngayon, mukhang ang Security Bank ang unang tatamaan ng kanilang balak na reklamo.
Mukhang aabot sa 800 ang mga depositor na ninakawan ng kanilang deposito ng kung sinong sindikato o kasabwat ng kanilang bangko. Hindi pa kasama ang mga biktima sa ibang malaking bangko tulad ng BDO, BPI, at Metrobank. Mas marami ang biktima sa mga bangko na nabanggit dahil mas malaki ang kanilang deposit base.
Kapag nangyari ang ganitong aksiyong legal (hindi ito mapipigil), nanganganib ang reputasyon ng mga bangko. Masisira ang kani-kanilang pangalan at naturalmente na mauwi ito sa kinakatakutang ng lahat – bank run. Hindi malayong sabay-sabay na hihingin ng mga depositor ang kanilang mga deposit. Malaking sakit ng ulo ito sa mga bangko.
Kapag saba-sabay na hiningi ng mga depositor ang kani-kanilang mga deposit, lilit ang kanilang deposit base. Tandaan na hindi pera ng bangko ang ipinapautang ng mga bangko sa mga mangangalakal. Galing ito sa depositor ng kanilang mga kliyente. Kapag nawala o lumiit ang kanilang deposit base, hihina ang hanapbuhay ng mga bangko. Ito ang maaari na maging dahilan ng kanilang pagbagsak o pagkalugi.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “The scales of justice have finally evened out upon the release from ‘vexatious restraint’ of Atty. Gigi Reyes, almost eight years after her principal, former Senate President Juan Ponce Enrile, was released from prison for ‘humanitarian reasons.'” – Edcel Lagman, lider oposisyon
“[Gigi] Reyes filed a petition for habeas corpus, saying that her right to a speedy trial has been violated for her detention from Jul. 9, 2014, claiming that she has been illegally detained. She was released after the SC granted her petition for habeas corpus.” – Eden Aguas, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com