Advertisers
PINAIIMBESTIGAHAN ni Senator Risa Hontiveros ang gulo na nangyayari kaugnay sa nickel at metallic mining activities sa bayan ng San Fernando, Sibuyan island, Romblon.
Kasunod na rin ito ng mga ulat na dalawa sa mga residente ang nasugatan dahil sa pwersahang pagbuwag ng mga pulis sa mga nagpoprotesta na gumawa ng human barricade para ipakita ang mariing pagtutol sa mining activities sa kanilang lugar.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 459 para silipin ang nangyayaring gulo sa pagitan ng kompanyang Altai Mining Philippine Corporation na pag-aari ng Gatchalians at ng mga mamamayan ng Sibuyan.
Giit ni Hontiveros, hindi dapat nauuwi sa karahasan ang mapayapang pagtutol ng mga residente laban sa panghihimasok ng mga kompanyang nagmimina sa sarili nilang tahanan.
Punto pa ng senadora, gusto lamang protektahan ng mga residente ang likas-yaman ng kanilang lugar at ang mga naninirahan sa lugar ay may karapatan na magsagawa ng protesta.
Dagdag pa ni Hontiveros, kailangan mapakinggan ng Senado ang lahat ng stakeholders at halukayin ang mga isyung ilang dekada nang bumubulabog sa isla ng Sibuyan kaugnay sa minahan.
Nag-ugat ang iringan sa nickel mining activities sa Sibuyan nang bawiin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ‘cease and desist order’ laban sa naturang mining company, pero inirereklamo ng mga residente na bigo ang kompanya na makapag-secure ng barangay clearance, municipal business permit, foreshore lease contract sa DENR at permit para sa pagtatayo ng private port mula sa Philippine Ports Authority (PPA).