Advertisers
IGINIIT ni Senadora Risa Hontiveros na dapat permanenteng i-blacklist ng Department of Agriculture (DA) ang tatlong trading firms na dawit sa “government-sponsored” sugar smuggling kung mapatunayan na sila ay sangkot sa iregularidad.
Ito ang iginiit ni Hontiveros na muling nanawagan para sa agarang imbestigasyon ng Senado ukol sa panibagong “sugar import fiasco.”
Sinabi ni Hontiveros na nauna nang naghain ng panukalang Senate Resolution No. 497 para siyasatin ang nasabing isyu, dapat alamin kung may iregularidad o criminal liability ang All Asian Countertrade Inc., Sucden Philippines Inc. at Edison Lee Marketing Corp. dahil narin sa kanilang papel sa napabalitang iligal na importasyon ng daan-daang libong metric tons ng asukal sa bansa.
Sa isang press conference noong Pebrero 21, 2023, ibinulgar ni Hontiveros ang mga dokumentong nagpapakita na binigyan ang nasabing tatlong kompanya ng “go signal” na mag-angkat ng 450,000 metric tons ng asukal papasok sa bansa, kahit wala pang ‘Sugar Order’ mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na kailangan sa ilalim ng batas. Ito ay nasundan ng pag-amin ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na siya ang namili sa tatlong kompanya at ang kanyang basehan ay memorandum lamang mula sa Office of the Executive Secretary.
Muling hinimok ni Hontiveros ang kanyang mga kasamahan sa Senado, at ang iba pang ahensya ng pamahalaan na agarang solusyunan ang isyu upang mapigilan ang “economic damage” na idudulot sa bansa ng nasabing malaking smuggling operation. Aniya, nakapasok na sa port of Batangas nitong Pebrero 9, 2023 ang tinatayang 260 na 20 foot containers ng asukal na diumano ay consigned sa All Asian Countertrade Inc, kahit pa walang sapat na permit o kailangang dokumentasyon. (Mylene Alfonso)