Advertisers
Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng mas maraming pamumuhunan sa healthcare system sa bansa matapos niyang personal na saksihan ang groundbreaking ng Pangantucan Super Health Center sa Bukidnon.
Sa kanyang talumpati, binigyang pagkilala ni Go ang Department of Health at mga kapwa mambabatas tulad ni Senate President Migz Zubiri na mula sa Bukidnon, sa pagsusumikap hindi lamang tungo sa pandemic recovery kundi pati na rin sa pagpapahusay ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa nang sa gayo’y mas maging handa pa sa mga posibleng kaharaping krisis sa kalusugan ang bansa.
Kinilala rin niya ang mga lokal na opisyal, kabilang si Bukidnon Governor Rogelio Roque, Pangantucan Mayor Miguel Silva Jr., Vice Mayor Manolito Garces, at Congresswoman Laarni Roque, bukod sa iba pa, sa pakikipagtulungang matiyak na ang kanilang mga nasasakupan ay makatatanggap ng abot-kayang medikal na serbisyo.
“Napansin ko kasi sa kakaikot ko sa Pilipinas, napansin ko sa 4th class, sa 5th class, 6th class municipalities na walang sariling Super Health Center. Ang pasyente na mga buntis minsan bi-biyahe ng ilang oras. Nanganganak na lang sa jeep, tricycle o sasakyan dahil sa sobrang layo ng mga ospital. Ngayon itong Super Health Center pwede na ang dental services,” paliwanag ni Go.
“At pwede na natin mapaigting ang ating pagpapabakuna hindi lang sa Covid, pati na sa tigdas at iba pang sakit… ‘yung iba ayaw magpabakuna dahil malalayo ng mga health center. Mapapaigting pa natin ang pagpapabakuna sa komunidad dahil sa Super Health Centers,” dagdag niya.
Nag-aalok ang Super Health Centers ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng database management, out-patient, birthing, isolation, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Ang iba pang magagamit na mga serbisyo ay serbisyo sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), oncology center, physical therapy, rehabilitation center at telemedicine.
Sa pagsisikap ni Go bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance at sa suporta ng kanyang mga kapwa mambabatas kapwa sa Mababang Kapulungan at sa Senado, sapat na pondo ang inilaan sa ilalim ng 2022 Health Facilities Enhancement Program para sa pagtatayo ng 307 Super Health Centers. Naging matagumpay din siya sa pagtulak ng karagdagang pondo sa ilalim ng 2023 budget para suportahan ang pagtatayo ng 322 SHC sa ibang bahagi ng bansa.
Matapos ang inagurasyon, personal na pinangunahan ni Go ang relief operation para sa marginalized sector ng bayan sa municipal covered court.
May kabuuang 500 indigents ang nakatanggap ng grocery packs, masks, vitamins, shirts, at snacks, mula sa senadora. Samantala, ang mga piling benepisyaryo ay binigyan din ng mga bisikleta, cellular phone, sapatos, relo, cap, at bola para sa basketball at volleyball.
Nagpaabot din ng tulong pinansyal ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development.
Hinikayat din ng senador ang mga residente na humingi ng tulong sa Malasakit Center sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag sakaling mangailangan sila ng tulong medikal.
Mula nang maitatag ang unang Malasakit Center noong 2018, mayroon na ngayong 155 centers na nakatulong na sa milyun-milyong Pilipino sa buong bansa.