Advertisers
INARESTO ng mga elemento ng Philippine National Police- Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP IMEG) ang kumander ng Zamboanga City Police Station 9 sa entrapment operation sa mismong istasyon nito.
Kinilala ang mga inaresto na sina Major Orlyn Leyte, Officer in Charge ng Station 9 sa Ayala, Zamboanga City Police Station; SSgt Hegenio Salvador, SSgt Asser Abdulkadim, Cpl Ismael Sasapan at PCpl Juman Arabani na pawang nakatalaga sa Police Station 9 Drug Enforcement Unit.
Ayon kay Colonel Thomas Frias, Jr., direktor ng PNP IMEG, 6:45 ng gabi nang magsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na mga elemento ng IMEG, Regional Intelligence Unit 9, Highway Patrol Group ( HPG9 ), at 55th Special Action Company sa Zamboanga City PS 9 .
Isinagawa ang operasyon base sa reklamo ng isang negosyante ng pangongotong matapos tawagan ng opisyal at ipabatid na kabilang ito sa mga listahan ng drug personalities na target sa operation ng mga otoridad.
Ayon kay Frias, huli sa aktong tumatanggap si Major Leyte ng P2,000 boodle money mula sa complainant.
Nabatid na kasabwat ng opisyal ang apat na tauhan na nanghihingi ng pera kapalit ng hindi pagpuntirya sa mga nasa drug list.
Nasa kustodiya ng PRO9 ang mga suspek habang inihahanda ang kasong Robbery Extortion, paglabag sa RA 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at RA 6713 Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees.
Nanawagan si Frias sa publiko na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan ang mga pulis na sangkot sa mga iligal na aktibidades sa pamamagitang pagtawag sa PNP IMEG Hotline Numbers: SMART-09989702286 GLOBE- 09957952569. Gayundin sa kanilang Facebook Page: Integrity Monitoring and Enforcement Group at Twitter account: @imeg2017.
(Mark Obleada/ Koi Laura)