Advertisers

Advertisers

Pamimigay ni Rep. Defensor ng Ivermectin iligal – FDA/DOH

0 503

Advertisers

SERYOSONG nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) na labag sa batas ang pagpapamahagi ng mga produkto na hindi rehistrado sa ahensiya.

Ang babala ay ginawa nina FDA Director General Eric Domingo at Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasunod ng pahayag ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na mamamahagi siya ng anti-parasitic drug Ivermectin para sa mga pasyenteng dinapuan ng malalang coronavirus disease 2019 (COVID-19) at sa matatanda sa Quezon City.

Ang Ivermectin, na sinasabing nakakagamot sa COVID-19, ay nakarehistro bilang gamot sa worm infestations at parasites sa mga hayop.



“Kung unregistered po kasi bawal po talaga iyon o unauthorized. ‘Di ko po alam baka meron silang compounding pharmacy na kausap na magrereseta at gagawin,” ayon kay Domingo. “Siguro alam naman po nila ano ang batas. Hintayin natin ang detalye. Meron naman pong pamamaraan na puwede pero pag unauthorized po hindi po talaga.”

Sinabi naman ni Vergeire na, “Gusto natin bigyan ng babala ang ating mga kababayan ang mga unregistered drugs po ay hindi masisiguro ng ating gobyerno na ito ay ligtas at maproprotektahan sila dito sa sakit na sinasabi natin na paggagamitan nito.”

Aniya, nakipagpulong na sila noong nakaraang linggo sa mga proponents ng paggamit ng Ivermectin, kasama si Defensor, at tiniyak na matapos na makatanggap ng karagdagang supporting data para sa Ivermectin ay magsasagawa na aniya sila ng panibagong rebuy sa gamot.

Samantala, nanindigan naman si Defensor na ligtas ang gamot at bilang patunay inamin niya na uminom siya nito noong panahon na siya ay may COVID-19.

Paglilinaw naman ni Defensor, magbibigay siya ng Ivermectin ng libre para doon sa may mga prescription o reseta ng doktor.



“I’m not doing anything outside of the law…Ako hanggang ngayon umiinom and I’m okay. (Former) Senator (Juan Ponce) Enrile drank it in public and he’s okay,” giit ni Defensor.

“I’m not imposing it on anyone. I have access and I can help them if they believe in Ivermectin,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi pa ni Defensor na P35 lamang ang bawat isa ng Ivermectin kaya’t abot kaya ito, kumpara sa ibang ginagamit na lunas sa COVID-19.

Ayon pa dito, kung marami naman ang maisasalba ng gamot ay walang mawawala kung susubukan ang paggamit nito. (Andi Garcia)