Advertisers
MAAARING makaranas ng ginhawa ang publiko sa tumataas na presyo ng langis sa pamamagitan ng suspensyon ng excise tax na nagkakahalaga ng P6 hanggang P10 kada litro sa loob ng susunod na dalawang linggo, ayon kay House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list.
Ayon kay Ridon, halos tapos na sa House of Representatives of the Philippines ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na suspendihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.
“Approval is just a matter of time. Halos tapos na ito sa Kamara at umaasa kaming maipapasa rin sa Senado bago matapos ang susunod na linggo,” ani Ridon sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Kapag naipasa ang panukala, agad itong ipapadala sa Pangulo na nagbigay narin ng sertipikasyon bilang isang urgent measure.
Ayon pa kay Ridon, maaaring mabawasan ng hanggang P10 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo kapag naisuspinde ang excise tax.
“Malaking bagay ito at umaasa tayo na sa loob ng dalawang linggo, makinabang na ang ating mga kababayan sa hakbang na ito,” diin ni Ridon.
Ipinaliwanag din ni Ridon na makasaysayan at walang kapantay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa langis.
“Ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na bawasan o alisin ang excise tax sa produktong petrolyo ay historic at unprecedented. Hindi ito nagawa noong mga nakaraang administrasyon,” dagdag ni Ridon.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, maaari lamang makialam ang Pangulo kung ang tatlong buwang average ng presyo ng krudo, lalampas sa $80 kada bariles.
Ngunit’ ayon kay Ridon, tinanggal na sa panukala ang tatlong buwang paghihintay.
“Ibig sabihin, kapag nagdeklara ang Pangulo ng state of national emergency kaugnay sa presyo ng petrolyo, hindi na kailangang maghintay ng tatlong buwan bago makialam ang gobyerno,” paliwanag ni Ridon.
Dagdag pa niya, kung tataas ang presyo ng krudo nang lampas $80 kada bariles at may deklarasyon ng national emergency, agad na maipatutupad ang suspensyon ng excise tax.
Ayon sa forecast, maaaring umabot sa P100 o higit pa kada litro ang presyo ng langis sa susunod na dalawang linggo. Kaya ang P10 na bawas sa presyo, malaking ginhawa para sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya.
“Ngayon nasa P80 na ang gasolina at diesel. Posibleng maging P90 o P100 ito sa mga susunod na linggo. Kaya kung bababa muli sa P90 o P80 dahil sa suspensyon ng buwis, malaking tulong ito hindi lamang sa sektor ng transportasyon kundi sa buong ekonomiya,” diin ni Ridon.
Ipinaliwanag din ni Ridon na nakita ng Pangulo at ng mga mambabatas ang pangangailangan ng agarang aksyon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at produktong petrolyo.
Aniya, hindi lamang ang mahihirap ang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis kundi maging ang middle class at iba pang sektor ng lipunan.
Dagdag pa ni Ridon, kung may hakbang na maaaring gawin sa lalong madaling panahon upang matulungan ang publiko, gagawin ito ng pamahalaan.
Sa usapin ng posibleng pagkawala ng kita ng gobyerno, sinabi ni Ridon na may iba pang mapagkukunan ng pondo ang pamahalaan bukod sa excise tax sa langis.