ODIONGAN, ROMBLON — HINDI namin mapigilan ang tumawa ng malakas ng magkasamang lumabas sa telebisyon noong Lunes ng gabi si Rodrigo Duterte, 76, at Juan Ponce Enrile, 97, isang paris ng “very senior.” Walang masama kung tumanda sila at naabot ang ganoong edad. Ang hindi maganda ay pawang kasinungalingan ang kanilang pinagsasabi na kung susukatin ang kanilang mentalidad, pareho silang nag-iisip na kaya nilang bolahin ang sambayanang Filipino.
Nagbolahan ang dalawang matanda. Nagpurihan na animo’y punong-puno sila ng kabanalan, nagpataasan ng ihi sa kaitaasan, at, sa sawikain ng mga Tagalog, nagpatulisan ng mga titi. Tumagal ng isang oras ang palabas na tinaguriang “gabi ng lagim” ng mga pilyong netizen. Iisa ang tumbok: Magaling si Duterte at siempre, kasalanan nina Pnoy, Sonny Trillanes , iba pa na nagpatakbo ng nakaraang administrasyon.
Nang si Enrile ang nagsalita, tama umano ang patakarang panlabas (foreign policy) ni Duterte at papanigan siya ng kasaysayan sa huli. Pero ang totoo, usapan ito ng dalawang desperado sa buhay. Nagbolahan ang dalawang matandang desperado. Kailangan mapagtakpan ang ginawang pagbigay ni Duterte sa China ang bahagi ng teritoryo ng Filipinas. Ipinamigay ni Duterte ang yamang-dagat ng ibinigay niyang teritoryo sa China.
Desperado si Duterte dadalhin niya sa hukay ang hatol ng kanyang mga kababayan. Isa siyang “taksil sa bayan;” isa siyang “traydor” sa interes pambansa ng Filipinas. Isa siyang “Makapili.” Sa aming pakiwari, hindi nakakatulog si Duterte sa masamang hatol sa kanya ng bayan. Hindi inabot ang ganitong aglahi. Kahit sinong presidente – kahit si Jose P. Laurel na panguilo ng bansa sa ilalim ng mga Japon – ang ganitong hatol.
Desperado si Enrile sapagkat hindi pa nakakalaya ang kanyang matapat na ayudante na si Jessica “Gigi” Reyes. Sapagkat 97 anyos na siya at maaaring mamatay kahit anong oras at sapagkat matatapos ang gobyerno ni Duterte isang taon mula ngayon, minamadali niya ang pagpapalaya kay Gigi. Siguristang tuso si Enrile.
Sinalo ni Gigi ang mga bintang kay JPE sa P10-B PDAF scandal noong 2014. Palusot ng mga abugado ni JPE na si Gigi ang nagmanipula ng lahat at biktima si JPE ng kanyang mapangahas na balakin. Nakalaya si JPE dahil sa bisa ng piyansa. Naiwan si Gigi.
Makakalaya na sana si Gigi noong Marso o Abril ngunit namatay ang kanyang abogado dahil sa Covid-19. Tanging ang kanyang abogado ang nakakakaalam ng pasikot-sikot at lahat-lahat kaya walang pumalit sa kanya maliban kay JPE na tuwiran nang nakialam sa isyu. Diretsong tumabo si Enrile kay Duterte. Nagkamutan sila ng likod.
Alam ni JPE ang kahinaan ni Duterte. Alam na takot si Duterte sa hatol ng sambayanan. Takot ito sa anumang pag-aaklas ng sambayanan. Kailangan niyang pangalagaan ang interes hindi lang sa kanya kundi maging sa China. Sino ang nakakasikmura na tawagin na taksil?
Naghimasan lang ng bayag ang dalawang desperadong matanda upang iligtas ang China sa gabi ng lagim. Sumpain kayo ni Barabas.
***
HINDI malaman ng estafador ng Kabikulan kung paano pagtatakpan ang kanyang kapalpakan. Magpapaliwanag diumano. Walang pumipigil sa kanya na magpaliwanag. Galingan niya dahil kapag nagkamali siya, hindi siya titigilan ng pitak na ito. Kahit isama niya ang mga tagasuporta na matatandang pinaglipasan at kahit ng mga uhuging maton.
Unti-unti naglalabasan ang mga nabiktima. Nagpanggap na lider oposisyon pero kumolekta ng donasyon. Iyong mga OFW ng Italya ay nagrereklamo sa mga donasyon na hindi malaman kung saan napunta. Teka pala, lider ng 1Sambayan umano siya sa Kabikulan? Teka, mapapahamak ang oposisyon dahil hindi siya totoong dikit kay Bise Presidente Leni Robredo na madalas niyang ipangalandakan. Tao siya ng mga Villafuerte.
***
May natanggap kaming press statement tungkol sa mga opisyal at empleyado ng isang sangay ng Department of Finance. Pakibasa at talakayin namin sa Biernes:
OPISYAL, EMPLEYADO NG OSS-CENTER
HUMINGI NG CERTIORARI, PROHIBITION
SA PAGDAGSA NG KUWESTIYONABLENG
NOTICES OF DISALLOWANCES
HININGI sa Korte Suprema ng 21 kasalukuyan at dating opisyales at empleyado ng the One Stop Shop Interagency Tax Credit and Duty Drawback Center (OSS-Center), isang sangay ng Department of Finance (DoF), ang certiorari at writ of prohibition matapos makatanggap ang OSS-Center mula 2018 sa Commission on Audit (CoA) ng mahigit 11 salansan ng 578 Notices of Disallowances (NDs) kasangkot ang walong kumpanya at kabuuang halaga ng P2.216 bilyon.
Sa kanilang 168-pahinang petisyon na isinumite noong ika-3 ng Mayo sa kataas-taasang hukuman, sinabi ng mga opisyales at tauhan ng OSS-Center na humingi sila ng certiorari at prohibition dahil dalawa lamang ang sinagot ng CoA sa 11 petisyon sa repaso na kanilang iniharap sa CoA.
Sinabi nila na hindi maayos ang mga isinagot ng CoA sa mga puntos ng kanilang sagot. Hindi sinagot ng CoA ang natitirang siyam na petisyon sa repaso.
Humingi ang mga nagpetisyon ng writ of certiorari para isantabi ang 578 NDS at isang hiwalay na writ of prohibition para itigil ng CoA ang paggamit ng isang special audit report kung saan ibinase ang pag-isyu ng mga NDs.
Sa ilalim ng CoA rules, tinataglay ng isang notice of disallowance (ND) ang mga desisyon sa pagtatasa, o audit, sa mga gastos at refund. Itinitigil o sinususpinde ng isang ND ang paggasta o pagsasauli ng pera.
Ang tax credit certificates (TCCs) ay mga refund, o pagsasauli ng gastos, na nagsisilbing insentibo sa mga kumpanyang nagluluwas ng produkto upang palakasin ang kanilang pakikipag kompetisyon sa pamilihang pandaigdig. Imbes na magbalik ng cash, nag-iisyu ang gobyerno ng mga certificates na maaaring gamitin ng mga pribadong kumpanya sa kanilang pagbabayad ng buwis at utang. Naisasalin ito sa ibang kumpanya.
Binuo ni Presidente Corazon Aquino ang OSS-Center noong 1992 at inatasan ang OSSD-Center upang mangasiwa sa pag-iisyu ng TCC. Nagkaroon ang OSS-Center ng mga naunang audit noong 1998, 2006, 2008 at 2009 upang tingnan ang sistema sa pag-iisyu. Walang iniulat na anomalya ang CoA.
***
MGA PILING SALITA: “THE madman’s political base is led by JPE, 97, and F. Sionil Jose, 96, a pair of nonagenarians. Old men with old ideas. Wow!” – PL, netizen
***
Email:[email protected]