AGAD na nakipagtulungn si Senate Committee on Health chair, Senator Christopher “Bong” Go sa mga opisyal ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila upang maibalik sa normal ang operasyon nito matapos masunog ang ilang bahagi ng nasabing ospital noong May 16.
Sinabi ni Go na nakipag-usap na siya kay PGH Director Dr. Gerardo Legaspi at kanilang tinalakay ang mga kinakailangang tulong para sa ospital upang agad na maibalik ang normal na operasyon nito.
“Opo, nagkausap kaagad kami kahapon ni Dr. Legaspi at sabi ko nga, kung ano ang mga kailangan nilang maitulong natin ay tutulong kami. Kanina nga po ay pumunta ang aking mga staff, may dala nang konting tulong, mga pagkain po, food packs, vitamins, masks, face shields,” ani Go.
“Ang importante dito makabalik sa normal ang operation ng PGH. Sabi ko kay Dr. Legaspi na kung ano man ang maitutulong ko ay tutulong kami ni Pangulong Duterte, lalo na po sa mga nasirang kagamitan, equipment nila,” ayon sa senador.
Sinabi rin ni Go na hihingi siya ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte kung kinakailangan ng karagdagang pondo bukod pa sa Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health para kagyat na mabili ang mga medical equipment at maiayos ang mga sinira ng sunog.
“Kung ‘di kayang pondohan po sa Health Facilities Enhancement, pwede nating ilapit kay Pangulong Duterte at mabili agad itong nasunog o nasirang medical equipment lalung lalo na po sa emergency room,” ani Go.
Kamakalawa ay iniutos ni Pangulong Duterte sa Department of Public Works and Highways na i-repair nang mabilis ang mga nasirang bahagi ng ospital, gamit ang mismong Social Fund ng Presidente.
Inatasan din ng Pangulo si National Task Force Against COVID-19 chief implementer and vaccine czar Carlito Galvez Jr. , maging si deputy chief implementer at testing czar Vince Dizon na alamin ang sitwasyon at ang napinsala ng sunog sa PGH.
Ayon kay Sen. Go, dapat ay agad na ma-rehabilitate ang emergency room ng PGH, lalo’t nahaharap ang bansa sa pandemya.
“Sa panahong ito, ‘di na makaantay ang mga gamit na ‘yan. Alam nating maraming COVID cases po na kine-cater ang PGH, napakalaking ospital nito at napakalaking tulong nito sa mga kababayan natin. Alam naman natin ang PGH, isa po ‘yan sa talagang napakarami rin pong espesyalista na doktor. Sa kampanya laban sa COVID-19, malaki ang ginagampanan ng PGH,” ipinunto ni Go.
“Importante po, walang nasaktan. Alam naman natin sa ngayon, may COVID patients. Sabi po, nalipat sa Sta. Ana Hospital ang twelve na pasyente. Sabi ko, kung anong maitutulong namin, ‘wag silang mag-atubiling lumapit sa opisina,” idinagdag ng mambabatas.
Sinabi niya na nakahanda silang tumugon agad sa karagdagang budget ng PGH sa susunod na taon kung kakailanganin, lalo na sa infrastructure na nasira. (PFT Team)