Advertisers
SINABI ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na tumaas ng 47% ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ngayong linggong ito, kumpara noong nakalipas na linggo.
“Dito sa NCR, tumaas tayo ng mga 47% itong linggong ito compared doon sa nakaraang linggo,” ayon kay Duque, sa Laging Handa briefing.
Sinabi ni Duque na nakapagtala ang Metro Manila ng mahigit 900 bagong kaso ng impeksiyon kada araw sa nakalipas na linggo.
Kaugnay nito, hinikayat ng kalihim ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng mas agresibong case finding, testing, at contact tracing, upang mapigilan ang COVID-19 transmission.
“Dapat ito ay wake-up call sa ating mga pamahalaang lokal na talagang i-intensify, paigtingin, palawigin ang lahat ng ating mga tukoy na istratehiya,” sabi pa nito.
Sinang-ayunan din naman ni Duque ang rekomendasyon ng OCTA Research group na magpatupad ng “circuit breakers” sa gitna ng local transmission ng mas nakahahawang Delta variant.
Gayunman, ang naturang pamamaraan ay dapat munang talakayin sa mga medical experts at sa Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19.
Ayon kay Duque, kailangan pa rin nilang i-establisa kung may community transmission na ng Delta variant ngunit mas mabuti na rin aniyang ipagpalagay na mayroon nang malawakang hawahan ng virus at higit na maging mas maingat upang hindi dapuan nito.
Matatandaang ang Pilipinas ay nakapagtala na ng kabuuang 119 Delta variant cases at 12 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso pa, habang nakarekober naman na ang iba pa.
Ang Metro Manila ay kasalukuyan nang nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions at magtatagal ito hanggang sa Hulyo 31. (Andi Garcia)