Advertisers
NALAGAY sa hukay ang isang paa ni Senator Christopher “Bong” Go matapos magloko sa ere ang sinasakyan niyang helikopter habang patungo sa Basilan para maghatid ng mga ayuda at pangunahan ang pagbubukas ng kauna-unahang Malasakit Center sa lalawigan noong Sabado.
Sa kabutihang palad ay ligtas na nakapag-landing ang helikopter at sa kabila ng mala-bangungot na karanasan, sinabi ni Senator Go na isang malaking karangalan sa kanya ang mamatay habang nagsisilbi sa ating mga kababayan.
“While on my way to Basilan, the helicopter I was riding encountered problems. Fortunately, nobody was hurt and we landed safely. I believe that if it is our appointed time to meet our Maker, then it is our time, wherever we may be,” ang sabi ni Go.
“I am not afraid to die, especially if it happens while opening a Malasakit Center that can help save the lives of others. It is an honor to die in service of my beloved country knowing that ours is just a borrowed life — what we do with it to bring positive change to others defines us,” idinagdag ng senador.
Dahil sa nasabing karanasan, sinabi ni Go na naging isang pagsasakatuparan para sa kanya na sulitin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pag-aambag ng ikabubuti ng mga kapwa Filipino.
“Ako po’y naniniwala kung panahon mo na po sa mundong ito, panahon mo na talaga kahit saan ka pumunta. Kung kukunin ka na ng Diyos, Panginoon o Allah, wala ka pong magagawa,” anang senador.
“So hindi natin masabi kung kailan ho tayo papanaw sa mundong ito. At ako naman po ay naniniwala kung panahon ko na po ngayong araw na ito para sa akin po isang karangalan na mamamatay na nagseserbisyo po para sa aking bayan, wala akong magagawa,” patuloy niya.
Matatandaan na personal na dinaluhan ni Go ang pagbubukas ng Malasakit Centers sa Basilan General Hospital sa Isabela City, Basilan na sinundan sa Labuan General Hospital sa Zamboanga City.
Sa ngayon ay mayroon nang 136 Malasakit Centers sa buong Pilipinas na handang magkaloob ng medical assistance.
Pangunahing layon nito na kundi man mabawasan ay mailibre ang bayarin sa ospital ng mahihirap na pasyente. Si Go ang may akda at nag-isponsor nito sa Senado na kalauna’y naging Republic Act No. 11463, mas kilalang Malasakit Centers Act of 2019.
Labis na nagpasalamat sa Diyos si Go sa pagliligtas sa kanyang buhay sa pagsasabing maaaring hindi siya pinag-adya na mapahamak dahil sa mga misyon na kinakailangan pa niyang tuparin.
“So salamat po, salamat sa Panginoon, salamat kay Allah na binuhay pa po ako ngayong araw na ito. Marahil po’y marami pa tayong mission sa mundong ito.”
“Ako naman po ay naniniwala, kaya nga po sa mga kababayan natin…ito pakinggan niyo itong sasabihin ko sa inyo. Ang buhay po ay napakaikli lamang, hindi natin masabi biglang ganon lang parang ‘pag pinatay lang ‘yung ilaw, ganon lang po kabilis,” ayon kay Go.
Kaya naman pinaalalahanan niya ang mga Filipino na gamitin ang kanilang buhay na makabuluhan sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa.
Tiniyak ng senador na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy na magsisilbi sa taumbayan dahil naniniwala siyang isa rin itong paraan ng paglilingkod sa Diyos.
“Tandaan natin minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan o tulong ang puwede natin gawin sa atin kapwa tao, gawin na po natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito,” ani Go.