Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na siya ay tinamaan ng coronavirus pero sa kabila nito ay tuloy ang pamamahala sa lungsod nang walang abala o anupaman.
Sa kasalukuyan, si Moreno ay naka-confine sa Sta. Ana Hospital sa pangangalaga ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla, kabilang din si Vice Mayor Honey Lacuna na nauna nang nahawahan ng COVID noong Aug. 5 at nagpositibo matapos ang tatlong araw.
Ayon kay Moreno, ay patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin bilang alkalde ng lungsod, gaya ng naipangako niya sa mamamayan ng Maynila na hindi niya ito iiwan kahit na ano pa ang mangyari. Pinasalamatan niya rin ang lahat ng mga nag-alala at nag-alay ng panalangin para sa maaga nilang paggaling ni Vice Mayor Honey Lacuna.
“We will continue to work. We made a commitment sa tao na hindi natin sila iiwan. Let us trust in God’s healing,” sabi ni Moreno.
Samantala ay itinalaga ni Moreno si city administrator Felix Espiritu na tumanggap ng anumang donasyon darating.
Ayon kay Moreno ay hindi niya matukoy eksakto kung paano siya nahawa dahil tuloy-tuloy ang kanyang trabaho kahit pa pandemic at kahit nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod, kung saan sa kanyang tanggapan sa Manila City Hall na siya natutulog.
Bago nagpositibo sa COVID, sinabi ni Moreno na nagkaroon siya ng sintomas tulad ng ubo, sipon, pananakit ng ulo at bahagyang lagnat maliban dito ay okey naman ang kanyang pakiramdam.
Nang malaman ni Lacuna na nasa pareho din ospital at sumasailalim sa check-up, na nahawa ng COVID si Moreno ay labis itong nalungkot bunga ng pangyayari.
Sinabi ng bise alkalde na pagaling na siya at maari ng makalabas ng ospital sa linggong ito.
Ayon kay Lacuna, siya man ay nagkaroon din ng sore throat at pananakit ng ulo bago siya sumailalim sa swab testing.
Nanawagan si Moreno sa lahat ng Manileño na: “keep safe, stay home as much as possible and get vaccinated as soon as possible.”
Samantala ay tuloy ang lahat ng gawain sa lungsod tulad ng pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program o SAP, gayundin ang iba pang gawain na nagbibigay benepisyo sa mga residente tulad ng mass vaccination program depende sa ibibigay na bakuna ng national government. (ANDI GARCIA)