Advertisers

Advertisers

Isko’s Manila Safe Schools Initiative ay upang protektahan ang Kabataan

0 3

Advertisers

Nakakabigla. Nakakapanlumo. At higit sa lahat, nakakatakot.

Ang madugong insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante ay isa na namang masakit na paalala na wala nang lugar ang pagiging kampante pagdating sa seguridad ng ating mga paaralan.

Di ba ang eskuwelahan ay dapat maging tahanan ng kaalaman, pangarap at pag-asa, hindi lugar ng takot, karahasan at kamatayan?

E por dios por santo, tatlong kabataang buhay ang nawala. Tatlong pamilya ang habambuhay nang magluluksa. At libu-libong estudyante ang muling nabalot ng pangamba sa isang lugar na dapat sana’y pinakaligtas para sa kanila.

Ang ganitong trahedya ay hindi dapat basta ituring na isang pangkaraniwang balita na malilimutan pagkalipas ng ilang araw.

Isa itong babala sa buong bansa na kailangang paigtingin ang seguridad sa lahat ng paaralan.

Hindi sapat ang pagkakaroon ng guwardiya sa gate o CCTV sa ilang sulok ng campus.

Kailangan ng malinaw na sistema ng pag-iwas sa karahasan, maayos na koordinasyon sa pulisya, regular na emergency drills, at aktibong partisipasyon ng mga guro, magulang at komunidad.

Sa gitna ng pangyayaring ito, kapansin-pansin ang naging hakbang ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Sa pamamagitan ng Manila Safe Schools Initiative, naglatag ang lungsod ng konkretong plano upang mapigilan ang mga insidenteng may kinalaman sa baril at iba pang mass casualty incidents sa mga paaralan.

Hindi nito maibabalik ang mga buhay na nawala sa Tacloban. Nguni’t maaari itong magsilbing halimbawa na ang mga lokal na pamahalaan ay hindi dapat naghihintay na magkaroon muna ng trahedya bago kumilos.

Ang tunay na liderato ay nakikita sa kakayahang umaksyon bago pa mangyari ang pinangangambahang sakuna.

Kasabay ng pagpapatibay sa seguridad, ipinahayag din ni Isko Moreno na napatunayan niyang kayang bumangon ng Maynila.

Ayon sa alkalde, isang taon matapos niyang mamana ang mabigat na problemang pinansyal ng lungsod, unti-unti nang naibalik ang tiwala ng publiko at ng mga mamumuhunan sa kabisera.

Magandang balita ang pagbangon ng ekonomiya. Mahalaga ang pagbabalik ng kumpiyansa ng mga negosyante.

Kailangan ang mas maraming trabaho, mas maayos na serbisyo at mas matatag na pananalapi ng lungsod.

Nguni’t hindi dapat doon lamang sukatin ang tunay na pagbangon.

Ang isang lungsod ay hindi lamang maituturing na matagumpay dahil sa paglago ng kita o pagdami ng mga proyekto.

Mahalaga din ang kakayahan nitong pangalagaan ang buhay ng kanyang mga mamamayan—lalo na ang mga kabataang pumapasok araw-araw sa paaralan upang mangarap ng mas magandang kinabukasan.

Kung may aral na iniwan ang malagim na pangyayari sa Tacloban, ito ay ang katotohanang ang seguridad ay hindi dapat ipinagpapaliban. Ang bawat paaralan ay kailangang magkaroon ng malinaw na plano sa pagharap sa mga banta.

Ang bawat guro at estudyante ay dapat alam ang gagawin sa oras ng panganib.

At ang bawat lokal na pamahalaan ay kailangang maglaan ng sapat na pondo at atensyon sa usaping ito.

Hindi natin maiiwasan ang lahat ng krimen.

Nguni’t maraming trahedya ang maaaring mapigilan kung maagap ang paghahanda at seryoso ang pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad.

Sana’y hindi na madagdagan pa ang listahan ng mga mag-aaral na hindi na nakauwing buhay mula sa eskuwela.

Sana’y magsilbing hudyat ang nangyari sa Tacloban upang ang lahat ng lungsod at bayan ay kumilos ngayon pa lamang.

Dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng isang maunlad na lungsod ay hindi lamang kung gaano ito kayang bumangon mula sa krisis, kundi kung paano nito napoprotektahan ang buhay ng bawat batang ipinagkakatiwala ng mga magulang sa loob ng silid-aralan araw-araw.

Ang pagbangon ng Maynila ay mahalaga, ngunit mas magiging makahulugan ito kung kasabay nito ang pagtitiyak na ang bawat paaralan ay magiging tunay na ligtas na lugar para sa pagkatuto, hindi lugar ng trahedya.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.