Advertisers

Advertisers

DI NGA BA TALAGA NAUNAWAAN NG DALAWANG SUSPEK SA TACLOBAN SHOOTING ANG KANILANG GINAWA???

0 1,611

Advertisers

Una sa lahat, ang ating taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ng tatlong kabataang namatay sa pamamaril ng dalawang kaeskwela sa San Jose National High School sa Tacloban, Leyte.

Umabot pala sa 20 ang bilang ng mga nasugatang estudyante at dalawa sa kanila ay nasa ICU o intensive care unit at patuloy na lumalaban pa para sa kanilang buhay.

Dahil diyan ay naglulutangan ang magkakasalungat na opinyon kung dapat bang babaan ang edad ng pananagutan ng isang nakagawa ng krimen.

Habang isinusulat ang balitang ito ay sinampahan na ng kasong murder ang 15-anyos na suspect habang ang 14-anyos na kasapakat nito at siyang nagpaputok diumano ng mas maraming beses ay isasailalim lamang sa juvenile intervention.

Ayon kasi sa Section 6 ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 (Republic Act No. 9344, amended by RA 10630) na nagtatakda ng minimum age of criminal responsibility, ang mga menor de edad na 15 anyos pababa ay ‘exempt’ o ligtas sa anumang criminal liability o kriminal na pananagutan at sa halip ay isasailalim lamang sila sa interventon programs sa halip na maharap sa kaso at pagkakakulong.

Hustisya ang isinisigaw ng mga pamilya ng nasawi at ngayon ay nasa ospital dahil sa mga tama ng bala na kanilang tinamo.

Karamihan sa kanila, ang nais ay papanagutin ang mga mismong namaril at kung maari pa nga ay pati mga magulang maisama sa kaso dahil sa pagpapabaya na siyang nagbigay-daan diumano para makakuha ng mga baril ‘yung dalawang suspek.

Sa totoo lang, iba na talaga ang mga kabataan ngayon kaya’t ang ating batas ukol dito ay dapat lamang din na baguhin nang naaayon sa mga pagbabagong dala ng makabagong panahon.

Hindi na nga maganda ang exposure ng kabataan sa violence sa pamamagitan ng social media, nariyan pa ang mga video games na bayolente din, gaya na lang ng naiulat na palagiang nilalaro ng dalawang suspek na ‘Gore Box’ kung saan ang mga player ay exposed sa mga duguang tao, mga naputol na parte ng katawan at maaring mag-eksperimento ng mga baril at maging ng mga explosives.

Ang larong ito ay na-ban na sa ibang bansa. Ang pagkakalantad sa dugo, putulan ng mga parte ng katawan at patayan sa pamamagitan ng barilan at pagpapasabog ay nagiging normal sa isip ng isang bata kapag palagian niya itong nakikita.

Sa kaso ng dalawang suspek, lumalabas sa paunang imbestigasyon na isang buwan umano nilang pinlano ang kanilang ginawa at nag-post pa mandin sila ng litrato nila sa social media na hawak nila ang mga baril na kanilang ginamit laban sa mga inosente nilang kaeskwela.

‘Yung 14-anyos, nakitaan din ng larawang nakasuot ng t-shirt na pareho dun sa suot ng mga suspek sa pamamaril din sa paaralan sa ibang bansa, kasama na ang notoryosong pamamaril sa Columbine High School sa Estados Unidos noong 1999 kung saan 14 kabataan din ang namatay.

Batay sa mga nakakalap na impormasyon, tila mahirap sabihin na hindi talaga alam o nauunawaan ng mga suspek ang kanilang ginawa, kaya naman hindi matanggap ng mga magulang, lalo na ng mga nasawi, na hindi papanagutin nang todo ang mga namaril sa eskwelahan.

Sa 40 putok na umalingawngaw, di daw bababa sa 30 ang nagmula sa baril ng 14-anyos na suspek. Kaya naman mauunawaan talaga ang gigil ng mga magulang na ‘wag ito ma-exempt sa kaso.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.