Advertisers
“TODAY, we made history. I hope it’s destiny.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kasama ang kanyang runningmate na si Doc. Willie Ong matapos na maghain ng kanilang certificates of candidacy bilang President at Vice President sa Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes bago magtanghali. Ang dalawa ay kapwa tumatakbo sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party.
Bago nagtungo sa Comelec, si Moreno, ang kanyang maybahay na si Dynee at Ong kasama ang kabiyak nito na si Dr. Liza, ay bumisita sa Sto. Nino de Tondo Parish Church sa Tondo kasama si Manila Vice Mayor Honey Lacuna.
Sa kanyang press conference matapos mag-file ng kanilang CoCs, nagpasalamat si Moreno sa Panginoong Diyos at sa kanyang magulang na sina Joaquin at Chayong na tubong Antique at Samar na nanirahan sa slum area ng Maynila na nagsikap para sa kanya, sa kanyang mga guro, classmates at kapwa taga-Tondo, sa mga Manileño dahil sa kanilang ambag na marating niya ang tuktok ng kanyang karera sa local public service nang mahalal siya bilang Manila Mayor noong 2019.
Binigyan niya ng special mention si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, ama ni Vice Mayor Honey, na ayon sa kanya ay siyang nagturo sa kanya at humikayat na pagbutihin ang sarili bilang public servant tulad ng muling pag-aaral.
“Salamat sa mga taga-Tondo na mukha ng Pilipinas at aking pinagsimulan, sa mga taga-Maynila na salamin ng bansa, na nagbigay ng pagkakataon. I hope nagpalingkuran ko kayo ayon sa inyong kagustuhan at natugunan ayon sa inyong pangangailangan,” ayon kay Moreno.
“Ngayon mga kababayan, tanggapin nyo po ang aplikasyon ko buong kababang-loob… ako po ay tumatakbong Pangulo ng bansa at aplikante ninyo. ..sa dami ng ating suliranin, sa tulong ninyo, bigyan niyoo lang ako ng pagkakataon na kayo ay mapaglingkuran sa buong bansa at kababayan natin na nasa buong mundo…lahat ng oras, lakas ng pangagatawan na aking tanging puhunan, ibubuhos ko kayo paglingkuran maibsan ko man lamang ang ating dinaranas,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa nito na: “Ako po ay magiging kaisa ninyo upang pigilan na ang pagkakahati-hati natin bilang mamamayan. We are too divisive and indecisive that caused the stunting of our economy on top of the pandemic. Now, bigyan po ninyo ako ng pagkakataon paghilumin natin ang ating bansa para sa magandang kinabukasan na ating inaasam.. Muli iniaalay ko ang aking sarili, let’us heal our country together for a better future for each of us. Pilipinas ,God First!!””
Sinamantala rin ng alkalde ang pagkakataon upang manawagan sa publiko na piliin siya at si Ong at huwag siyang bigyan ng ibang Vice President.
“I encourage all of you.. mga kababayan ko.. huwag n’yo kami paghiwalayin ni Doc Willie. Pagod na kayo sa away, iba ang president iba ang vice president, tapos five years awayan nang awayan, nakalimutan na tao,” giit ni Moreno.
Ipiniwanag ni Moreno na pinili niya na isang doktor na kanyang maging runningmate upang maituon niya ang kanyang pansin sa mga hamon ng ekonomiya habang si Doc Willie naman ang haharap sa mga suliranin ng pandemya na tiyak na naririyan pa rin sa isang taon.
Umaasa si Moreno na ang mga Pinoy ay gagawang muli ng kasaysayan sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagpili ng President at Vice President na magkasama sa partido at hindi kabilang sa magkasalungat na grupo.
Binanggit ng alkalde ang magandang relasyon niya kay Vice Mayor Honey Lacuna, na isang doktor na naging daan sa tagumpay ng mga programa ng pamahalaang lungsod ng Maynila na pawang pagtugon sa suliraning dala ng pandemya.
Si Lacuna ay tatakbong mayor kasama si 3rd district district Congressman Yul Servo bilang vice-mayoral candidate.
Tiniyak ni Moreno na ipagpapatuloy nila Lacuna at Servo ang mga programang nasimulan ng kanyang administrasyon, lalong lalo na ang social amelioration program para sa senior citizens, solo parents, persons with disabilities at mag-aaral. (ANDI GARCIA)