Advertisers
MAPUPUNTA sa wala ang isinulong na panukalang batas ng Makabayan Bloc na House Bill (HB) 10171 o ang University of the Philippines (UP) Security Act sa paghahain ng Motion for Reconsideration (MR) ni Cavite (7th District) Congressman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong September 30, 2021.
Sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Lunes, inihayag ni Remulla, Senior Deputy Majority Leader ng Committee on Rules ng Kongreso na ang HB 10171 ay “patay” na, dahil ang 179 na mambabatas na nagsiboto rito noong una ay nagsiboto rin sa MR na inihain ng Representante ng Cavite.
“Tapos na. wala na. Kasi nireconsider na yan ng plenary. This goes back to the rules committee for our disposition. Kami na ang magsasabi kung iyan ay mabubuhay pa o papalusutin pa rin namin,” paliwanag ni Remulla.
Isiniwalat din Remulla na “smuggled” ang pagkakasulong ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa panukalang batas nang isingit nila ito para sa ikatlo at pinal na pagpapasa bilang batas habang tinatalakay ng Kongreso ang budget ng pamahalaan para sa susunod na taon.
“During budgetary process everyone (House members) is busy over their congressional district’s concern,” ang sabi ni Remulla, na habang sila raw ay abala sa pagtatalaky ng kani-kanilang budget para sa kanilang mga distrito ipinilit at singit ng Makabayan Bloc ang panukalang batas.
Kaya raw kanyang minarapat na ihain ang MR upang hindi maisabatas ito, na sinangayunan naman ng lahat ng 179 congressmen na unang nagsiboto rito. Nangangahulugang ang panukala ay ibabalik sa lebel ng komite partikular na ang Committee on Rules na siya niya ring pinamumunuan kung tatalakayin pang muli o hindi na ang HB 10171.
“Kalokohan ang bill na yan. it violates the equal protection law,” ang sabi ni Remulla , at dinagdag pa na kanyang mosyon ay pagtatama lamang na ang dating UP-Accord ng 1998, na pinawalang bisa na ng pamahalaan at ng Administrasyong Duterte sa pamamagitan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ay di man lamang nga naisabatas.
“Hindi dapat pinakikialaman yan (UP-Accord) ng law makers. It is an Executive agreement and must be left to the discretion of the Executive (branch),” pagliliwanag pa ni Remulla na pinasaringan pa ang Makabayan Bloc ay lagi lamang daw nagsusulong ng mga batas na pabor lamang sa kanilang hanay.
“Matagal na namin silang kasama, nasasayang lang ang oras namin,” ang sabi ni Remulla na ibinahagi pa, sa kanya raw labing-dalawang taon bilang mambabatas ang Makabayan Bloc ay tila nanggugulo lamang.
“The picture it (UP-Security Bill) paints is that kaaway ang Armed Forces of the Philippines (AFP) and the Philippine National Police (PNP),” aniya, at ipinangako pang ang “House Bill 10171 is not going to be passed into law.”
Nanawagan din si Remulla sa mga Filipino kung ayaw din nila ang mga ganitong klase ng mga mambabatas ay dalhin nila ang laban sa Commission on Elections (Comelec) o kaya naman ay huwag nang iboo ang mga ito.
“Tulungan niyo kaming dalhin ang kaso sa Comelec. Nasasayang lang talaga ang oras namin,” ang hiling ng mamababatas.
Ikinatuwa naman ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairman Hermogenes Esperon ang mga pahayg Remulla at sa ginawang pagharang nito sa UP-Security Bill at nangakong ang task force “take the line of action” ng Kongreso upang mapatalsik ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa House of Representatives.
Katunayan aniya ay may mga naihain na sila kaso ng diskwalipikasyon sa ibang miyembro ng Makabayan Bloc.
Si Retired General Antonio Parlade naman na dumalo rin sa balitaan ay nagsabing nagbubunga na ang diskarte ng Administrasyong Duterte na ‘whole-of-nation approach’ dahil kasama na ang Kamara sa pakikipaglaban sa mga komunistang-terorista.
“Kung lumusot (UP-Security Bill), grabe na naman ang propaganda calls ng CPP-NPA-NDF,” ang pahayag ni Parlade.