Advertisers
KINUWESTIYON ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ang pagbili ng retail tycoon na si Lucio Co sa pamamagitan ng Crystal Bridges Holding Corp. sa PrimeWater Infrastructure Corp., na ngayo’y Hiraya Water Corp., dahil kailangan umanong kumuha muna ng malinaw at nakasulat na pahintulot mula sa mga local water district na ka-joint venture nito.
Ayon kay UFCC Chairperson Rodolfo “Ka RJ” Javellana Jr., hindi maaaring ituring ang bentahan bilang isang karaniwang pribadong transaksiyon dahil nagpapatakbo ang PrimeWater ng mga public water system sa ilalim ng mga joint venture agreement o JVA sa mga government-owned local water district.
“Hindi sapat na sabihing nagpalit lamang ng may-ari ang isang pribadong kumpanya. Ang pinag-uusapan dito ay mga kasunduang may kinalaman sa pampublikong suplay ng tubig. Kung nagbago ang kumokontrol sa private partner, dapat alam at pumayag ang mga water district,” ani Javellana.
Binanggit ng grupo ang Section 6.2(b) ng 2013 Revised NEDA Joint Venture Guidelines, na nagsasaad na habang sangkot ang isang government entity sa joint venture, hindi maaaring ibenta o ilipat ng private-sector partner ang interes nito sa JV company ng walang express written consent ng government entity. Ang 2013 guidelines ay inilabas para sa mga JVA sa pagitan ng government at private entities.
Ayon sa UFCC, nangangahulugan ito na bago tuluyang makuha ng Crystal Bridges ang ownership at control ng PrimeWater, dapat munang hiningi ang nakasulat na pahintulot ng mga local water district na direktang apektado ng transaksiyon.
“Nasaan ang mga written consent? Pumayag ba ang lahat ng water district na si Lucio Co at ang Crystal Bridges na ang bagong kokontrol sa kanilang private partner? Hindi maaaring ipasa-pasa ang pamamahala ng isang pangunahing serbisyo nang hindi kinokonsulta ang government partner at ang publiko,” ani Javellana.
Iginiit ng UFCC na mahalagang malaman ng mga water district kung may legal, teknikal, at pinansiyal na kakayahan ang bagong may-ari upang tuparin ang mga obligasyon sa ilalim ng umiiral na mga JVA.
Hinamon ng grupo ang Hiraya Water at Crystal Bridges na ilabas kung aling water districts ang binigyan ng kumpletong impormasyon tungkol sa acquisition at kung alin ang nagbigay ng express written consent.
Nanawagan din ang UFCC sa mga local water district na suriin ang kanilang mga JVA at humingi ng legal na payo bago kilalanin o aprubahan ang anumang pagbabago sa ownership at control ng kanilang private-sector partner.