Sindikato sa PCSO, buking!
Advertisers
NAPAKATAGAL na ding “ginugulangan” ang Pamahalaang Duterte ng ilang mga tusong operator ng kunyari ay awtorisadong franchise holder ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sponsored Small Town Lottery (STL).
Ngunit noong Oktubre 2, 2021 ay pansamantalang naputol ang kabalbalan at panlalamang ng dalawa sa maraming grupo ng sindikatong nagnanakaw ng kubransa ng lehitimong STL sa lalawigan ng Batangas matapos na salakayin ng mga operatiba ng PNP Region 4A Police Office ang dalawang malalaking rebisahan ng jueteng sa Sto Tomas City at sa munisipalidad ng Padre Garcia, kapwa sa naturang Probinsya.
Dahil sa pagkaka-raid ng mga jueteng den sa Brgy. San Pedro ng Sto Tomas at sa Poblacion sa Padre Garcia ay lumutang ang mga pangalan ng isang alias Reyes na kilala ding “Godfather” ng STL con jueteng sa Sto Tomas City at mga karatig na siyudad at bayan.
Bistado din ang mga suspek sa paggamit na front sa operasyon ng Batangas Enhanced Technology System, Inc. (BETSI) sa kanilang pagpapatakbo ng iligal na pasugal.
Gayun pa man ay nag-ooperate pa rin ang jueteng sa bayan ng Padre Garcia, lalo na sa bahay ng isang ex- Kap Boyet at Guno sa mga barangay ng Banaba, San Miguel, Quilo-Quilo South, Quilo-Quilo North, Pansol, San Felipe, Bawi, Kawongan at iba pang mga barangay at maging sa mga munisipalidad ng Bauan, Cuenca, Mabini at San Pascual.
Ang siste, ang mga salot pa rin na isang alias Kap Idol at Kap Tisoy ang pinangalanan sa ulat na pasimuno sa pajueteng at kalakalan ng droga sa nasabing bayan. Subukan lang natin ang tigas ng mga ito sa kamay na bakal nina PNP Region 4A Director, PBG Eliseo DC Cruz at PNP Provincial Director, P/Col. Glicerio Cansilao?
Samantala, kinumpirma na ni PCSO Chairperson at General Manager Royina Garma sa isang congressional inquiry may ilang buwan pa lamang ang nakararaan na walang sinumang indibidwal o korporasyon ang binigyan ng permit ng kanilang tanggapan para mag-operate ng loterya sa mga lalawigan.
Ang Authorized Agent Corporation (AAC) lamang ayon pa kay Garma ang kanilang binigyan ng pribilihiyong mangolekta ng taya sa STL at hindi para magsagawa ng loterya.
Nilinaw din ni Garma sa House Committees on Games and Amusement and on Good Government and Public Accountability na tanging ang PCSO supervised lottery lamang ang maaring makapagpatakbo ng loterya sa mga probinsya.
Batay sa pahayag na ito ni Garma, mukhang nasa balag na din ng alanganin maging ang operasyon ng BETSI?
Kaya naman kailangang busisiin na ng pulisya at maging ng Kongreso at Senado ang kontrobersyal na operasyon ng nasabing operator ng pasugalan sa Batangas.
Sa totoo lang, sa dinami-dami ng naging PNP director General at Region 4A director ay ngayon lamang masusing natutukan ng kapulisan ang operasyon ng jueteng sa CALABARZON area kayat nadiskubreng sinasangkalan nga ng mga jueteng operators ang localized STL operations.
Sa halip na iremit pala lahat ang mga kubransa ng STL sa PCSO branch offices, ay idinadaan muna sa mga safehouses at rebisahan ng jueteng ang kubransa, kung saan ay binabawasan ng hindi kukulangin sa 80 percent ang total bet collection at humigit-kumulang lamang 20 porsiyento ang isinusulit sa PCSO para ilaban sa pajueteng.
Wala na nga marahil makakatulad sa accomplishment nina PNP Chief Guillermo T. Eleazar at Region 4A Director, PBG Eliseo DC Cruz.
Kung tutuusin ay nanakawan pala ng mga illegal gambling operators ang PCSO ng bilyong halaga ng salapi. Ang salaping ito ay dapat ay naibabalik sa mga mamamayan sa porma ng humanitarian support ng PCSO, ngunit naibulsa naman ng mga walanghiyang jueteng operator.
Sa raid sa Brgy. San Pedro Sto Tomas City ay kinilala ni RD Cruz ang mga naaresto na sina Marilou L. De Chavez, Mary Ann T. Dela Cruz, Maricel M. Esguerra, Miguel L. Exconde, Jun Carlo C. Masayes, at Isagani M. Cornejo.
Sa kanyang text messages sa inyong lingkod ay kinilala din ni RD Cruz ang mga nadakip sa pagsalakay naman sa jueteng den sa Poblacion Padre Garcia na sina Henry V. Awat at Josep P. Vergara.
Ang matagumpay na raid ay isinagawa ng tropa ni P/Lt. Jocel A. Calvario sa ilalim ni PLtCol. Chito B. Macaspac ng RSOU. Mabuhay ang PNP Region 4A. Naniniwala ang inyong lingkod na hindi ningas-kugon lamang ang aksyon ng kapulisan sa CALABARZON area…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com