Advertisers
Humarap na sa National Bureau of Investigation (NBI) si Julian Ongpin na huling nakasama ng painter na si Bree Jonson bago ito binawian ng buhay.
Si Julian ang anak ng negosyanteng si Roberto Ongpin na itinuturong person’s of interest sa pagkamatay ni Bree.
Tatlong abogado ang nakasama ni Ongpin sa pagharap sa Death Investigation Division ng NBI.
Ayon kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin, nakikipagtulungan naman si Ongpin sa imbestigasyon.
Inamin ni Julian sa mga imbestigador na nagtalik sila ni Bree Jonson bago niya ito natagpuang nakabigti sa shower ng nirentahan nilang kuwarto sa isang resort sa La Union.
Batay sa NBI report kaugnay sa ibinigay na testimonya ni Ongpin noong Oktubre 1, sinabi umano nito na nagtalik pa sila ni Jonson pagkatapos lumabas siya ng kuwarto para magpahangin dahil nai-insecure umano ito sa mga nakaraang relasyon ni Bree.
Ayon pa sa report, sinabi umano ni Ongpin na lumabas din si Jonson at hiniling sa kanya na bumalik na sa kanilang kuwarto subali’t tinanggihan niya ito.
Pagbalik umano niya sa kanilang kuwarto ay napansin niyang wala si Jonson at nang subukan niyang tingnan kung nasa banyo ito ay nakakandado naman ang pintuan sa loob.
Sumilip umano siya sa bintana ng banyo at doon nakita niya si Jonson na nakabigti sa shower gamit ang damit.
Una nang binanggit sa police report na sinabi umano ni Ongpin na ginamit ni Jonson ang strap ng kanyang bra sa pagbigti.
Sa ngayon, pagkumpirma ni Lavin na hindi pa naisusumite ng Philippine National Police (PNP) sa NBI ang mga samples ng organs ni Jonson.