Advertisers
UMAASA ang OCTA Research Group na sa katapusan ng Oktubre ay bababa pa sa ‘pre-Delta surge level’ ang mga kaso ng COVID-19 na naitatala sa bansa.
Ito, ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, ay dahil sa patuloy pa ring pagbaba ng reproduction numbers sa buong bansa at sa National Capital Region (NCR).
Batay sa pinakahuling monitoring ng naturang grupo ng mga eksperto nitong Huwebes, nabatid na ang reproduction number sa bansa ay nasa 0.55 na lamang habang nasa 0.47 naman sa NCR.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng virus at ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan o transmission ng virus.
Sinabi pa ni David na ang current 7-day average ng bansa ay nasa 6,416 na lamang habang 1,156 naman sa NCR.
Aniya, ang naturang nationwide seven-day average ay ang pinakamababang naitala simula pa noong Hulyo.
Nitong Miyerkules, una nang iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala lamang sila ng 3,656 bagong COVID-19 cases, na pinakamababang daily infections na naitala sa bansa simula noong Hulyo 13.
Sa kabila naman nito, patuloy pa ring nagpapaalala ang DOH at ang OCTA sa mga mamamayan na huwag maging pabaya at sa halip ay patuloy na maging maingat at istriktong tumalima sa umiiral na health and safety protocols, upang hindi na muli pang bumilis ang hawahan ng virus. (Andi Garcia)