Advertisers

Advertisers

Init ng halalan

0 2,201

Advertisers

NAGPAPALIT klima sa bansa mula sa di malaman na panahon tungo sa malamig na tuyong panahon. Sa paglamig humimbing ang tulog ni Mang Juan na nagpapahirap sa pagbangon sa umaga. Ang kumot sa katawan na nagpapahaba sa tulog na kahit may sinag araw na’y ayaw magbangon dahil sa sarap ng pagkakahiga at ng mata’y ayaw dumilat sa katotohanan. Sa pagpukaw ng mata sa nagmamadaling umaga, ang pagtayo’y gagawin ng may sigla ng matapos ang gawaing naiwan sa kahapon na magdidikta sa kinabukasan.

Sa pagtakbo ng oras, lilitaw ang haring araw na nagsasaad ng takbuhin na gagawin na pupuno sa maghapon. Madarama ang init na tila sumasabay sa malamig na ihip ng hangin na nagdudulot ng sakit kay Mang Juan na magpatuloy sa gawain para sa pamilyang may pangangailangan. Ang panahon ito’y nagdudulot ng kalituhan kung magpatuloy o titigil sa gawain. Ngunit ang dikta ng pangangailangan ang magsasabi na dapat magpatuloy ng masiguro ang kakainin sa araw araw.

Mahirap lumihis sa pangangailangan ngunit kailangan magpasya sa kagalingan ng pamilya, tulad ng usaping bayang tumatawid sa kinabukasan. At ang pagpili sa tama na kalakip ang isang araw na pagtitika’y magdudulot ng mahabang pakinabang ng bayan. Mahirap magpasya, bayan o sarili lalo sa mga tulad ni Mang Juan na isang kahig isang tuka. Subalit kung iisipin at isasa puso ang kagalingan ng nakararami, ang pagpapasya’y madaling gawin dahil hindi ang bukas ang nakataya maging ang darating na mga panahon kasama ang pamilya. Hindi mali ang magpasya para sa bayan lalo’t sa kabutihan na magtitiyak ng masaganang kinabukasan. Huwag maakit sa lamig ng panahon at hayaang kunin ang kasalukuyang na masasayang sa panandaliang pakinabang. At ito ang hinihintay ng mapanlinlang, ang kahinaan ni Mang Juan at ang usapin ng kabuhayan.



Pag-isipan ang mga kaganapang bayan lalo sa mga proyekto na ipinatutupad sa lugar na madaling malilo ng mga proyekto na bantad ang pakay, ang makuha ang boto ng mamamayan. Lumang hakbang ito ng mga politiko na kaliwa’t kanan ang dalaw sa lugar lalo’t nariyan na malapit ang halalan. Napakaraming oras at pagkukunan upang ipamalita ang mga proyektong ginagawa at gagawin para sa bayan na tumutunaw sa tamang pananaw.

Sa ma-init na katanghalian, sumasabay ang init ng halalan sa pag-bibigay ng kung anu-anong proyekto na ikasisiya o ikinayayamot ni Mang Juan. Silipin ang nagaganap na patutsadahan sa Lungsod Quezon kung saan ang magkabilang panig ng naglalaban sa pagka-alkalde’y mainit na nagpapalitan ng akusasyon. Nariyan ang kasalukuyang alkalde na pailalim gumalaw na kinukumbinsi sa tumatakbong pangulo na malaglag ang katunggali sa posisyon na ninanais kapalit ng paborableng balita sa pahayagan ng pamilya na may malawak na mambabasa.



Walang kaabog-abog na ipagpapalit ang katotohanan kapalit ng ‘di pagsuporta sa katunggali. Nariyan ang tarpaulin ng kabi-kabilang proyekto na nagbabangit ng Joy of Public Service. Subalit walang binanggit sa mga dagdag buwis na nagpapamahal ng kabuhayan sa lungsod. Maging sa panahon ng pandemya, nariyan ang ordinansa na panghuhuli sa mga lumalabag sa ‘di pagsusuot ng facemask kapalit ng bayad na parusa sa halip na community service. At sa kabilang dako ng pulitika sa lungsod, makikita ang isang kongresistang katunggali na panay ang pagbisita sa mga barangay saan mang lupalop ng lunsod.

Kasama ang mga kakampi, namumudmod ito ng kung anu-anong pangakong pagbabago habang dala ang pangulong lilo. Walang kredibilidad na dala ang batang ito, sa halip ang chainsaw na kumakalbo sa kabundukan na nagdudulot ng baha sa Marikina at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.



Tutukan ang mas maliit na lugar sa Lungsod Quezon, ang distrito IV ang Barangay Krus na Ligas, isang kilalang rueda ng politikong magtatagisan. Ang barangay na ito’y madalas mabisita ng mga tumatakbo sa posisyon lokal man o pambansa. Marahil ang katangian ng barangay na isang clannish na sumusunod sa mga naiibigan ng nakakatanda. Marahil ito ang dahilan kung bakit maraming dumadalaw na poltiko sa barangay lalo’t kung halalan. Madalas mang dalawin ng politiko subalit hangang dito lang ang silbi nito, at napag-iwanan ng kaunlaran. Sa ngayon iba’t ibang politiko ang pumaparito’t lumalapit, magpakilala at ipinababatid ang posisyong ninanais.

Habang ang mga kasalukuyang mga halal ng baya’y nagbaba ng proyektong nakayayamot tulad ng pag-aayos ng maayos na daan. Opo maayos na daan na giniba o winasak ng matuloy ang proyektong bayan para kuno sa Barangay. Subalit batid na ito’y in-aid of election ng pumogi sa mata ng mga taga KNL. Wala pa ang tuwirang panahon ng halalan, subalit mainit at lubhang nakakapaso ang kilos ng mga pulitiko. O’ sumasalamin ito sa kabuuan na takbo ng pulitika na sadyang ganito ang takbo ng pulitika sa bansa.

Habang nakatiwangwang ang hinuhukay na kakalsadahan, ang katungali sa pwesto’y may dalang bakuna para sa mga naninirahan ng masiguro kuno ang kalusugan. At sa ayos na ito, tila mas maganda ang dating sa tao na tuwirang kagalingan ng katawan ang naserbisyohan. Subalit, kita ang dami ng tarpaulin na pinagdausan dala ang pangalan ng sabungerong kandidato at ng asawang re-electionist sa konseho ng lunsod.

Malayo pa man ang eleksyon, o simula ng kampanyang panghalalan, kaliwa’t kanan na ang paggastos ng mga politiko upang makuha ni Mang Juan. Sumasalamin ang labanan sa lokal sa pambansang halalan na ang liderato ng bansa ang nakataya. Ang tapunan ng salapi gayung na lang kahit wala pa sa oras ang araw ng kampanya. Ang bigayan ng salapi’y malinaw na pagbili ng boto’t malinaw na paglabag sa batas ng halalan. Dahil wala sa itinakdang panahon,walang paglabag na nagaganap, ayon yan sa COMELEC.

Kasing init ng tanghaling tapat ang halalan sa bansa sa ginagawa ng mga nagtatagisang politiko upang makumbinsi ang mga bobotante. Sa lagay na ito, ang kamalia’y masasabing nasa balikat ni Mang Juan na hinahayaan ang mga politiko na paglaruan ang sagradong gawain sa ngalan ng serbisyong bayan para sa sariling pakinabang. At ito’y hanggang doon lang dahil kung makapagpasya na si Mang Jua’y tapos na ang kanyang kinabukasan dahil sarili’t pamilya na ang uunahin ng mga politiko na ang puhunan puro kasinungalingan. Kay Mang Juan, huwag hayaan na masunog ang kinabukasan ng iyong mga anak at nang bayan dahil sa init ng halalan.

Maraming Salamat po!!!