Advertisers
MADAMDAMIN lagi ang pakiusap ni Yorme Isko Moreno sa tuwing naririnig ang problema at hinaing ng mamamayan sa ginagawa niyang “Listening Tour” sa maraming panig ng bansa.
Sa ngayon, kailangang tiisin ang hirap ng buhay, sa ngayon, pananalig at pagtitiwala sa awa ng Diyos ang masasandalan ng maraming mahihirap na pamilyang Pilipino.
Kamakailan, sa harap ng 300 obrero sa basurahan sa Barangay Payatas sa Quezon City, nagbigay ng inspirasyon si Yorme Isko at ipinangako na babaguhin niya ang buhay at kabuhayan ng maraming kapos sa buhay, pagtiwalaan lamang siya at suportahang manalo sa pagka-pangulo sa 2022.
‘Yang pangarap na pabahay na ginawa niya sa mahihirap na pamilyang iskwater sa Baseco, Tondo at Binondo, magagawa niya rin sa mga taga-Payatas at sa iba pang lugar sa bansa.
Libreng gamutan sa mga maysakit tulad ng tinatamasa ng mga taga-Maynila, magagawa rin ito ng gobyernong Moreno – tulad ng modernong ospital para sa COVID-19 sa Luneta, modernong ospital at pagbibigay ng libreng Remdisivir at Tocilizumab sa maraming lalawigan sa bansa.
Kailangan lamang, sabi niya ay unahin na mapagaang ang buhay ng mamamayan laban sa pandemya, saka ang pagbubukas at pagpapasigla ng maliliit na negosyong nagsara o humina ang kita dahil sa mahigpit na restriksiyon para maiwasan ang mabilis na pagkahawa sa nakamamatay na COVID-19.
Idinidiin ni Yorme Isko ang pagbibigay sa buhay at kinabukasan ng tao kaya kung siya ang pangulo, palalakasin niya ang health system at ang paglikha ng maraming trabaho.
Kahit pansamantala lamang, kahit maliit lamang ang maaaring maging kita, ang mahalaga, makatawid sa dinaranas na masamang epekto ng pandemya, pakiusap ni Yorme.
Gagawin nila ang lahat ng makakaya at sisikapin niya na mapagaang ang buhay ng mas nakararami, pangako ng alkalde ng Maynila.
Dama niya, hindi na bago ang buhay sa tambakan ng basura, sabi ni Isko dahil naranasan niya ang buhay na kapos, pagkaing dugyot, kulang na lang ay mamalimos.
***
Hindi kamalasan ang maging mahirap pero kasalanan kung hindi magsisikap na makaangat at mapagaang ang buhay.
Panatag na buhay ang ipinapangako ni Yorme Isko sa mga kausap sa tuwing mag-iikot siya, kasama ang katiket na bise-presidente na si Doc Willie Ong at mga kandidatong senador na sina Samira Gutoc, Dr. Carl Balita at dating QC Councilor Jopet Sison.
Magkaroon ng sariling bahay, maayos na trabaho, libreng edukasyon, maagap na tulong medikal, ito ang uunahin nila sa gobyernong Moreno, pangako ni Yorme Isko.
Pinangarap din ito ng kanyang mga magulang, ang estibador na si Mang Joaquin, ang utusan at labanderang si Nanay Rosario.
“Pero sa pagsisikap namin, sa pagtitiyaga at pagtitiwala sa awa ng Diyos, nagawa namin na umangat sa buhay. ‘Wag na ‘wag lang kayong susuko. ‘Wag kayong panghinaan ng loob, … may Diyos tayo na maawain. Makababangon kayo, aangat tayo, magtiwala lamang tayo at hindi susuko,” payo ni Yorme sa kaharap na trabahador sa tambakan ng basura sa Payatas.
Magiging makiling ang gobyerno niya sa mga kapos-palad.
Aalagaan niya, pangako ni Yorme Moreno, ang kinabukasan ng mga anak ng mahihirap.
Sa kanyang gobyerno, pangako niya, mawawakasan ang liderato ng mga elitista, ibabangon niya ang dignidad ng mahihirap.
“Tapos na ang panahon ng elitista, panahon na ng mga basurero” ang kanyang gobyerno, suportahan lamang siya, sabi ni Isko.
Ang tagumpay niya ay posibleng maging tagumpay ng anak ng basurero.
“Pipilitin kong maabot ang inyong pangarap na payapa at magaang na buhay, basta po samahan nyo ako, hindi kayo mabibigo sa aking mga pangako,” sabi ni Yorme Isko.
***
Basta sa pabilisan sa pagkilos laban sa pandemyang COVID-19, di mauunahan si Yorme Isko, kasi nitong Lunes, matapos na maideliber ang 40,000 kapsulang Molnupiravir, ipinamahagi na ito sa pitong public hospital sa Maynila.
Hindi papayag na mahuli si Yorme Isko basta kalusugan at buhay ng tao ang pag-uusapan.
Lagi siyang handa, lalo na sa paglaban sa Covid infections, kung maaalala, una si Yorme sa pagbili ng Remdesivir at Tocilizumab.
Suwerte at katiket niya si Doc Willie na ipinayo na umorder ng wonder drug na Molnupiravir na ayon sa medical experts ay napakabisa na magpagaling sa may mga konting sintomas ng COVID-19 para hindi na lumala at hindi na maospital.
At ang maganda, paliwanag ni Yorme Isko, welcome kahit ang hindi taga-Maynila na magbigay ng Molnupiravir para makapagligtas ng buhay.
Paliwanag niya, lahat ay nagdaranas ng hirap sa pandemya, kaya kailangan ay matulungan, ang mahalaga ay magbigayan para sa ikagagaling ng Pilipino.
May iba pang gamot na inaabangan si Yorme Isko upang mas mapabilis ang paglaban sa COVID-19.
Ipinaliwanag sa kanya ni Doc Willie na sinusubok na ang efficacy at effectivity ng Plasmovid at Retonovir na gawa ng Pfizer.
Kapag napatunayang mas epektibo nga ang dalawang gamot na ito kontra COVID-19, oorder na agad sila.
Mas mahalaga kasi ang buhay ng tao para kay Yorme Isko.
Kasi, tao ang pinakamalaking investment ng bansa, kaya ito ang dapat na inuuna sa lahat.
Ganyan ang dapat na lider na may malasakit sa tao, higit sa lahat.
Kapag Diyos ang inuuna at pinagmamalasakitan ang buhay at kabuhayan ng tao, e paano matatalo ang mamamayang Pilipino.
Pilipinas, God First!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.