Advertisers

Advertisers

Salinlahi

0 2,288

Advertisers

DUGO at pawis ang puhunan ng iluwal ng ina ang sanggol na ang pag-iyak ang unang lenguahe na nagsasabing ito na ako o’ aking mundo. Ang pag-iyak ang salitang inusal na nagbigay sa nanay at tatay ng ligayang ‘di mawari dahil sa haba ng panahon, natupad ang pangarap na nagtali sa kanilang pagmamahalan, isang bata, isang anak. Maraming araw na dumaan sa pagsasama ang magpalitan ng pagbabantay upang arugain ang anak na kung ano ang iniindang sakit ang damdaming tinitiis upang sa darating na umaga, ang ngiti ng anak ang siya ngiti ng mag-asawa.

At sa unang hakbang patungo sa kagisnan, halos ikatisod sa mga liwasan sa pag-alalay sa anak na haharap sa bagong yugto ng buhay na puno ng pag-asa’t alalahanin. Nagsusumikap upang sa natutunang paglalakad ang malakaran ng anak ang tuwid at patag na landasin. Walang iniisip na kabiguang sa halip matayog na pangarap na sana’y makamtan. Ang paggiya’y nasa isip at ang pagpapalaki’y naka dibuho sa isip at puso upang maibigay ang maayos na buhay.

Sa kabilang banda ng mundo ang nailuwal na bata’y walang mukha ang ina, ang balabal na bumalot sa katawan ang tanging kasama at ang pag-iyak ang pumukaw sa mga obrerong may tinatapos at ang paslit na iniwan ng inang walang puso ang tumambad sa kanilang kaabalahan. Ang malupit na mundong sumalubong ang haharapin sa panahon na darating. Walang katiyakang kinabukasan, di mawaring buhay, at ‘di tiyak na pagtagal sa mundong ibabaw.



Ang magkabilang karanasan ng mga paslit ang tabularasa ng lipunang mapanghamon sa paslit na ‘di batid ang kinabukasang huhugis sa kanilang panahon. Ang bawat taong makakasalamuha ang huhubog at paghuhugutan ng pag-uugali na siyang ihaharap sa mundong gagalawan. Ano man ang anyo ng mundo’y walang makapagsasabi, paraiso o tambakan ng basura ang kaalamang napulot sa pakikisalamuha ang matatanaw kung tama o mali ang inasal ng paslit na dumedepende sa sitwasyong nagmulat sa magkaibang pagkakataon.

Sa pagkakataong ito, masasabi bang pareho ang kanilang karapatan sa buhay gayung magkaiba ang katayuan sa buhay ng ilabas sa mundong ibabaw?

Sa nakasulat, oo, hindi sa realidad ng buhay. Ang batang sa unang paglalarawa’y kakikitaan ng pagmamahal at pagmamalasakit ng magulang. Buo ang giyang magaganap at ang pagsisiguro sa maayos na buhay ang haharapin sa hinaharap. Sa simpleng paglalarawan ng kinabukasan, sa usapang laro. Ang una’y purong laro na may kinalaman sa pagpapawis o ehersisyo ng mapanatili ang liksi ng katawan. Walang pag-aalala sa gagawin pagkatapos ng laro o kung mayroon man ang gawaing pampaaralan na daan sa pangarap na may katiyakan. Walang alalahanin kung may nakahain o makakain at tiyak hindi matutulog na hungkag ang tiyan sa pagpikit ng mata upang palilipasin ang magdamag. Habang ang paslit sa kabilang banda, ang pakikipagpatintero sa sasakyan ng makabenta ng sampaguita o takatak ng kendi’t yosi.

At kung hindi papalarin sa maghapong patintero, nariyan na nahagip ng sasakyan at makikitang nakasaklay sa gilid ng kakalsadahan, alang sampaguita o takatak yosi purong kamay na nakasahod na naghihintay ng baryang mahuhulog. Sa pagdating ng gabi, nariyan sa tabi-tabi, magpapalipas ng magdamag sa saliw ng solvent na hinuhuthot upang palipasin ang magdamag na walang laman ang tiyan.

Silipin ang ibang kalagayan ng mga bata sa kanayunan lalo na yung mga napagitna sa laban ng sundalo ng pamahalaan at ng New People’s Army ( CSAC ). Ang mga batang ito ang karaniwang bitbit ng mga magulang na naipit sa barilan ng magkatunggaling grupo na tumatakbo upang iligtas ang buhay sa kawalan ng mata ng mga balang nagtatawiran. Ang pagsigaw at pag-ilag sa bala’y napakahirap ilarawan lalo’t halos nagtatawiran sa mata ng bawat bakwet na tumatakbo para sa kaligtasan. Hindi pa usapin ang pagtigil sa pagpasok sa paaralan, ang usapin lang dito’y na dapat pang mabuhay sa kinabukasan. Ang masakit, pagdating sa mga lugar na pinaglalagakan ng mga batang bakwet nariyan na makikita na hinaharas ang magulang dahil sa pagkiling sa isang grupo kontra sa kalaban. Ang tama nito sa bata’y di man pang pisikal ngunit sa kaisipan o sikolohikal na ‘di dama ng katawan ngunit malaking epekto sa kaisipan. Nariyan ang gabi na biglang sisigaw o iiyak dahil sa naranasang karahasan.

Sa ibang pagkakataon, walang makikitang balita sa mga batang anak ng mga political detainees na tulad ng mga batang bakwet, na sikolohikal ang numero unong tinatamaan na tumutuloy sa puso at pagkagalit sa lipunan na sana’y kumakalinga sa kanila. Mahirap kausapin o makausap ang mga batang ito dahil hindi kayang paupuin ito sa isang lugar na magkakaroon ng bukas na usapan. Lagi may pagdududa sa mga taong nakasalamuha at madalas na nakatulala o biglang iiyak o tatawa. Ang sakit ng isip ang kumukurot sa puso ng mga taong nagbibigay oras upang maipasok ito sa pamayanan o lipunan na dapat na kumakalinga sa kanila.



Sa kalagayan ng mga bata na inilarawan sa itaas sapat ba ang batas na RA 7610 o’ Children’s Welfare Act at RA 11188 o’ Special Protection Act for Children in Armed Conflict na proteksyunan ang kalagayan ng bata sa bansa. O tila isa itong batas na pang papel lamang. Sa totoo lang maganda ang mga batas na bangit sa itaas kung tama ang pagpapatupad. Ang RA 7610 tunay na naglalahad ng mga karapatan at proteksyon ng bata, subalit hindi masagot ang tamang disiplina na dapat kaakibat ng batas. Walang lugar ang corporal punishment sa kasalukuyang panahon, ang kausapin ang bata ng maituwid ang maling asal ay sapat ba upang tumalima sa tamang paggiya.

Maraming nadapa sa maling pagpapatupad ng disiplina subalit ang hindi sapat ang kawalan ng edukasyon ng mga nagpapatupad ang siyang nagpapasikip sa maraming paglabag sa karapatan ng bata. Ang pagpapaliwanag sa bata ng sitwasyon at ang paglabag sa tuntunin sa bahay at lipunan ay may kaukulang parusa na dapat harapin. Ang disiplinang may kurot sa kaisipan ng bata’y dapat ilatag para sa kinabukasan ng bayan.

Samantala ang RA 11188, malinaw na ang mga bata na tinutukoy ng batas ang mga biktima ng giyera ng magkalabang grupo. Ang mabigyan ng tamang proteksyon ang mga bata sa gitna ng labanan ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan. Kahit nasa kabilang panig ng giyera ang paslit, hindi kailangan itong saktan dahil di batid ang dahilan ng pagsanib o maging ang kalagayang pinagdaanan. Alisan ng pasaning legal ng mga bata dahil sa kalagayang di nila batid ang dahilan.

Sila’y biktima ng kalagayan hindi nila pinili, sa halip ang sitwasyon ang naglagay dito upang mailayo ang sarili sa pagmamalabis. Iahon ang bata sa pagkakasadlak sa giyera, gamitin ang batas sa pag-ahon ng mga bata sa malupit na mundo, dalhin sila sa hindi mapanganib na pamayanan at hayaang makapag-aral at makapaglaro na mundong dapat nilang kinikilusan. Ang malayang bata ang mag-aangat sa bansa sa kinabukasan. Ang mapayapang pamayanan ang pairalin ‘di lang sa kalunsuran pati sa kanayunan. Maproteksiyunan ang ating salinlahi…

Maraming Salamat po!!!