Advertisers
YEAR 2021 pa nangyari ang pagdukot sa 34 missing sabungeros, na ayon sa lumutang na bagong testigo ay nasa 100 nga ito, kabilang ang 2 menor de edad.
Sa kabila ng paglutang ng bagong saksi, na umano’y kabilang sa mga suspek na dating security guard sa Manila Arena sa Sta. Ana kungsaan dinukot ang ilang sabungeros, hindi parin kumikilos ang mga awtoridad – DOJ-NBI at PNP-CIDG. Tila may pumipigil sa kanila sa pagsagawa ng imbestigasyon, siguro dahil sa nahatagan ng daang milyones?
Oo! Bilyonaryo kasi ang tinuturong utak o mastermind sa pagdukot at pagpatay sa mga naturang sabungeros, na ayon sa lumantad na saksi ay itinapon sa isang palaisdaan sa Taal Lake sa Batangas. Tinalian daw ang mga ito ng alambre, nilagyan ng sandbag bawat isa at inihulog sa lake para ‘di lumutang.
Napakagalante naman talaga kasi nitong sinasabing utak ng karumal-dumal na krimen. Sabi nga, umaabot hanggang Korte Suprema ang impluwensya nito.
Sabi ng Korte Suprema, handa silang makipag-usap sa Department of Justice (DoJ) hinggil sa isyu ng impluwensya ng mastermind sa missing sabungeros. Obkors itatanggi ito ng Kataas-taasang hukuman.
Marami naring sinabi si Justice Secretary “Boying” Remulla sa missing sabungeros, pero wala naman ginagawang aksiyon. Puros press release lang! Why o why, Sec?
Limang taon na ngayon ang kasong ito, wala paring hustisya na nakakamit ang mga biktima, ang pamilya nila ay tumatangis hanggang ngayon.
Dapat makialam na sa kasong ito ang Malakanyang. Ipatrabaho na ni Pangulong “Bongbong” Marcos sa Presidential Anti-Organized Crime (PAOC) para matuldukan na ang kasong ito. Mismo!
Dahil kung hindi mismo sa PBBM ang mag-utos na trabahuin ang mga nasa likod ng missing sabungeros, walang mangyayari sa kaso, patuloy na mananaghoy ng hustisya ang kaluluwa ng mga biktima.
Tukoy na ang mastermind, itinuturo na ng testigo, maliwanag ang kanyang pagkakalahad sa ginawang krimen, pero wala parin ginagawa ang mga awtoridad. Kulang parin daw ang ebidensiya.
Ito ang sinasabi na ‘pag ayaw maraming dahilan, ‘pag gusto may paraan’.
Ako, naniniwala na daang milyones ang pinakakawalan ngayon ng mastermind sa missing sabungeros para hindi na maimbestigahan ang kaso. Peks man!
Easy money para sa tinutukoy na mastermind ang daang milyones dahil puros galing sa mga iligal na sugal ang pera nito. Mismo!
Again, magkakaroon lang ng hustisya ang missing sabungeros kung si PBBM na mismo ang magsalita sa kasong ito.
Kaso, baka nakapagbigay din ng malaking campaign fund sa kampo ni PBBM noong 2022 ang taong ito? Yun lang!
Upang mawala ang agam-agam ng marami na ang Korte Suprema at si PBBM ay naiimpluwensiyahan ng sinasabing “utak” sa missing sabungeros, dapat kumilos na ang mga matataas na opisyal na ito para managot sa batas ang dapat managot. Tama ba ako, mga pare’t mare?
No one is above tha law. Ito ay ginawa ng pantay-pantay para sa lahat.
Oo! Dapat makulong ang nasa likod ng missing sabungeros. Limang taon nang tumatangis ang kanilang kaluluwa, Mr. President. Kumilos ka naman!!!