Advertisers
UMABOT na sa 400 na healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH) ang nagpositibo sa corona virus infection.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, araw-araw ay nagsasagawa sila ng covid testing sa kanilang mga empleyado, at sa bilang na 400 na covid positive ay lumalabas na 20% na ang infected.
Kung susumahin, sa bawat isang infected ay 3 hanggang apat na kapwa health care worker ang exposed at kinakailangan na sumailalim sa quarantine. Dahil dito, aabot na sa 1,200 ang hindi makakapasok at malulugmok ang kanilang operasyon.
Nagdesisyon umano ang PGH administration na baguhin ang kanilang protocol kung saan maari pa rin pumasok sa trabaho ang isang exposed worker na walang anumang simtomas.
Malaki naman umano ang tsansa na hindi sila mahawa dahil sila ay fully vaccinated at nakasuot ng face mask at PPE.
Subalit kapag ang isang exposed worker ay nakitaan ng sintomas, kaagad naman sila pauuwiin, isasalang sa covid test at sasailalim sa quarantine.
Paliwanag pa ni Dr. Del Rosario, hindi lahat ng na- expose sa covid patient ay nahahawa, at kailangan nilang baguhin ang protocol upang hindi mahinto ang operasyon ng ospital.
Nilinaw din ni Dr. Del Rosario na hindi nila pinapapasok sa trabaho ang mga positibo sa covid.
Umaasa rin ang PGH na mabibigyan ng dagdag na health care workers upang mabuksan na ang ilang department na nagsara, tulad ng paanakan na limang araw ng sarado.
Sa ngayon ay may 245 covid patients sa PGH at puno na rin ang ICU beds. (Jonah Mallari)