Advertisers
MULING igniit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang panawagan para sa pagpasa ng panukalang magbibigay ng subsidiya sa pabahay sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sunog at kalamidad.
Ginawa ni Go ang panawagan nang magsagawa ng relief operations ang kanyang tanggapan para sa mga biktima ng sunog kamakailan sa Caloocan City at Quezon City.
Sa isang video message noong Enero 18, muling iginiit ni Go ang pangangailangan para sa Senate Bill No. 2393, kilala rin bilang Rental Housing Subsidy Act, na pangunahin niyang inakda.
Ang panukalang batas ay naglalayong tumulong sa pagbangon ng mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na lumipat sa panahon ng pansamantalang proseso ng konstruksiyon.
Tutulungan ng batas na ito na mabigyan ng disenteng buhay ang mga pamilyang nasasalanta ng sakuna, lalo na ang mahihirap at informal settler families. Hangad niya ang suporta ng mga mambabatas dahil ang lahat ng ‘to ay para sa kabutihan ng Pilipino.
“Asahan niyo na gagawin ko ang parte ko sa Senado para isulong ang lahat ng nais nating makamit sa pamamagitan ng pagpasa ng mga makabuluhang batas gaya nito,” ani Go.
Ang grupo ng senador ay nagsagawa ng magkakahiwalay na pamamahagi sa Caloocan City at AMLAC Senior High School sa Quezon City.
Nagbigay sila ng tulong pinansyal, food packs, masks at pagkain sa kabuuang 109 na pamilya. Binigyan din nila ang mga piling indibidwal ng mga bisikleta para sa pag-commute papunta sa trabaho o mga computer tablet upang matulungan ang kanilang mga anak na mag-aral nang mas mabuti sa ilalim ng blended learning set-up.
Bilang bahagi ng mga hakbang sa pagtulong ng pambansang pamahalaan para sa mga indibidwal na apektado ng mga sitwasyon ng krisis, ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development at National Housing Authority ay nagpaabot din ng hiwalay na suportang pinansyal.
Samantala, nagsagawa naman ng assessments ang Department of Trade and Industry para sa livelihood assistance program nito.
Upang makatulong na matiyak na natutugunan ang mga medikal na pangangailangan ng mga biktima, nag-alok si Go ng karagdagang tulong sa mga dumaranas ng mga pinsala o iba pang alalahanin sa kalusugan.
Hinikayat niya ang mga ito na humingi ng serbisyo sa alinman sa 31 Malasakit Centers na matatagpuan sa Metro Manila kung saan sila ay maginhawang mapakikinabangan ang tulong medikal na inaalok ng gobyerno.