Advertisers

Advertisers

Punto ni ComElec Comm. Guanzon

0 245

Advertisers

MALAKI ang tama ng magreretirong Commission on Election Commissioner Rowena Guanzon na magwala sa hindi parin paglalabas ng desisyon ng ponente ng 1st Division sa petition laban sa kandidatura ni presidential aspirant Bong Bong Marcos, Jr. na dapat ay noon pang Enero 17 isinapubliko.

Ang ponente ng Comelec 1st Division, kungsaan kasama si Guazon bilang presiding commissioner, ay si Commissioner Aimee Ferolino na taga-Davao at appointee ni Pangulong Rody Duterte.

Ibinunyag ni Guanzon na siya’y bomoto para i-disqualify ang kandidatura ni BBM dahil convicted ito sa kasong tax evasion, hindi pagbabayad ng tax sa magkasunod na apat na taon noong gobernador siya ng Ilocos Norte kaya hindi siya puwede tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.



Lalo pang nagwala si Guanzon nang resbakan siya ni BBM na minority lang ang desisyon ni Guanzon.

Say ni Guanzon, bakit alam ni BBM na minority siya sa pagboto. Dahil raw ba sinuhulan ni BBM ang karamihan sa mga kasama niyang commissioners?



Minority man o anupaman, sabi ni Guanzon, dapat nang ilabas ni Comm. Ferolino ang desisyon. Para sakaling disqualified o pabor kay BBM ang desisyon ay makapag-file ng reconsideration ang naagrabyadong kampo.

Isa sa mga rason ni Guanzon kaya pinupuwersa na niyang ilabas ang desisyon ng kanilang division sa naturang petition ay dahil magreretiro na siya sa (Peb. 2.



Ang isa pang commissioner na kabilang sa 1st Division ay si Marlo Casquejo na isa ring Davaeno at appointee ni Pres. Duterte.

Dapat ay noon pang Enero 17 inilabas ang desisyon ng Comelec 1st Division sa naturang petition pero nagka-Covid daw ang mga staff ng Comelec.

Ngayong magaling na sa sakit ang mga staff ng naturang division ay tahimik parin si Comm. Ferolino. Anyare, Aimee?

Inamin din naman ni Comm. Ferolino na kinukulit siya ni Comm, Guanzon na ilabas na ang kanilang desisyon. Pero dedma lang siya. Tsk tsk tsk…

Ano kaya ang desisyon ng 1st Division sa petition laban sa kandidatura ni BBM at binibitin itong ilabas ni Comm. Ferolino? Abangan!

***

98 days nalang election na! Ang pormal na simula ng kampanya sa nasyunal ay sa Pebrero 8 (Martes) at ang sa lokal ay sa Marso 25. Ang kampanya ay hanggang Mayo 7. Ang eleksyon ay May 9.

Sa mga natitirang araw na ito, gitgitan na ang kampanyahan ng top 5 presidentiables na sina dating Senador Bongbong Marcos Jr., Vice Pres. Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Ping Lacson at Sen. Manny Pacquiao.

Sa limang ito, ang mahigpit na naggigitgitan ay sina Marcos, Robredo at Moreno.

Lalo pang titindi ang gibaan, batuhan ng putik, habang papalapit ang araw ng halalan. Pramis!

Kaya si BBM ay umiiwas ma-interview ng mga prominenteng media dahil baka masira siya sa kanyang mga sagot at gamitin ng kalaban laban sa kanya.

Kahit nga si Robredo na ganun ka-articulate magpaliwanag ay binabaligtad parin ng “warriors” ng kalaban ang kanyang statement.

Sabi ng Comelec, okey ang ganitong batuhan ng putik para malaman ng mga botante ang pagkatao ng bawat kandidato na kanilang pagpipilian. Mismo!