Advertisers
Patay ang 76 anyos na matandang babae at sugatan ang 10 taong gulang na batang babae sa sumiklab na sunog Linggo ng umaga (Pebrero 20) sa Makati City.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasawi na si Mely Mencias, 76; at sugatan si Sarah Kingking, 10, kapwa naninirahan sa ikatlong palapag ng gusaling pangkomersyal na matatagpuan sa Kalayaan Avenue, Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City.
Sa report ng Makati City BFP, idineklara ang unang alarma ng 4:13 ng umaga na agad na umabot ng ikalawang alarma 4:39 ng umaga.
Sa isinagawang imbestigasyon ni arson investigator Senior Fire Officer (SFO3) Jaime Macababayao, nagsimula ang sunog sa chapel ng gusali na matatapuan sa ikatlong palapag na napag-alamang pag-aari ng isang Mr. Chui.
Nang sumaklab ang apoy sa gusali, agad na nailigtas si Kingking ng mga rumespondeng bumbero samantalang hindi na nagawa pang maligtas si Mencias na na-trap sa ikatlong palapag ng nasusunog na gusali.
Wala namang nadamay na iba pang establisimiyento kundi ang gusali lamang na pag-aari ni Mr. Chui.
Naapula ang sunog 5:48 ng umaga at idineklara naman ang fire out 6:03 ng umaga.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng pinsala sa naturang ng sunog.