Advertisers

Advertisers

ISASAGAWANG MOTORCADE NI ISKO SA CALOOCAN, LABAG SA GUIDELINES NG MMDA

0 958

Advertisers

Nilinaw ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na ang kakulangan sa hinihinging requirement at paglabag sa mga guidelines ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang dahilan kung bakit hindi pinayagan ang isasagawang motorcade ng partidong Aksyon Demokratiko sa pangunguna ni Presidential Aspirant Isko Moreno Domagoso.

“Naglabas ang pamahalaang lungsod ng permit kahit biglaan ang pagpasa nila ng permit.

Subali’t tinawag ng MMDA ang aming atensyon dahil batay sa kanilang inilabas na bagong guidelines, maaari lamang magsagawa ng motorcade sa mga pangunahing kalsada na nasa ilalim ng pamamahala ng MMDA tuwing Sabado, Linggo at holidays mula alas singko hanggang alas diye ng umaga. Ang schedule ng kanilang motorcade nitong araw ng Martes, March 1, 2022,” ani Caloocan City Administrator Engr. Oliver Hernandez.



“Batay sa isinumiteng ruta ng motorcade ng authorized representative ng Aksyon Demokratiko na si Carlo Religioso, dadaan ang kanilang caravan sa C3 at EDSA na parehong nasa ilalim ng hurisdiksyon ng MMDA,” dagdag pa ni Hernandez.

Tiniyak naman ng City Administrator ng Caloocan na handang magbigay ng permit ang pamahalaang lungsod basta kumpleto ang mga requirement at masusunod ang mga guidelines ng pamahalaang lokal at nasyonal.



“Huwag nating haluan ng pulitika. Nirerespeto natin ang karapatan ng bawat kandidato na magpakilala sa mga mamamayan subali’t kailangan din nating ipatupad ang mga panuntunan upang hindi masakripisyo ang karapatan at kapakanan din ng mga mamamayan ng Caloocan,” pahayag ni Engr. Hernandez.

Binigay ring halimbawa nito ang motorcade na isinagawa ni Presidential Aspirant Manny Pacquiao sa North Caloocan.



“Example, si Senator Manny Pacquiao, nabigyan siya ng permit at nakapag-motorcade ng matiwasay at maayos dahil kumpleto ang kanilang mga requirements at ang caravan nila ay umikot lamang sa mga inner roads na sakop ng jurisdiction ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan,” dagdag pa ng City Administrator.