Advertisers
INIREKOMENDA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa papasok na bagong Kongreso ang pagbuwag na sa partylist system.
Sa kaniyang Talk to the People, binigyang diin ng pangulo na ginagamit na kasi ang partylist sytem para isulong ang interes ng makakaliwang grupo.
Ayon kay Pangulong Duterte, bagaman hindi naman lahat, pero meron aniyang mga partylist group na pumapasok sa gobyerno sa layuning sirain ito para sila ang pumalit.
Iginiit pa ng Pangulo na ito ang mantra ng mga komunistang grupo, may 50 taon na ang nakalilipas at hanggang ngayon ay nananatiling ito pa rin ang kanilang hangarin.
Ayon sa pangulo, walang ginawa ang makakaliwang mga partylist group kundi lokohin lamang umano ang gobyerno.
Kaugnay nito, sinabi ng pangulo na sinuman ang bagong gobyernong papasok, ito ang tamang panahon na magsulong ng inisyatibo na baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng constitutional convention at i-convert ito sa federal form of government mula aniya sa umiiral na feudal system of government.
Mas maganda rin aniyang sa pagsisimula pa lamang ng bagong administrasyon ay maamyendahan na ang saligang batas, at hindi kapag patapos na ang termino para hindi maparatangang gusto lamang mapalawig pa ang pamamahala sa bansa.
Ganito kasi aniya ang naging paratang laban sa kaniya na nagpalagay na gusto pa niyang manatili sa poder na hindi naman aniya totoo, dahil ang talagang gusto niyang mangyari ay matapos na ang kaniyang trabaho para makapagpahinga na at makauwi sa kanilang bahay sa Davao City. (Vanz Fernandez)