Advertisers
MAINIT na pinagdedebatihan ngayon ang planong pagtaas ng buwis para may pambayad sa napakalaking utang na iiwanan ng Duterte administration.
Kailangan na kasing simulan ng Pilipinas ang pagbayad sa mahigit P13 trillion nang utang ng Pilipinas kundi ay baka magaya tayo sa Sri Lanka na naghihingalo na ang ekonomiya dahil sa pagkabaon sa mga utang bunga ng grabeng korapsyon.
Kapag tinaasan ng gobierno ang buwis, siguradong magtataasan din ang mga bilihin. Patay si Juan dela Cruz dito.
Sa aking damdamin, kesa magpataw ng karagdagang buwis kaltasan nalang ang malalaking suweldo ng mga opisyal ng gobyerno. Overpaid ang mga ito eh. Tapos malulupet pa “sumahod”.
Tulad lamang nitong mga mayor, governor, congressman at senador, napakalalaki ng suweldo ng mga ito bukod pa sa napakalaking “SOP” nila sa mga proyekto.
Yung senador at congressman lamang, sumusuweldo ang mga ito ng P273,278 hanggang P312,902 kada buwan. Tapos may “pork barrel” pa na daang milyones hanggang bilyones depende sa relasyon nila sa presidente. Kumakamal sila rito ng napakalaking “kickback” sa bawat proyekto nila. Pramis!
Gayundin ang mayor at gobernador. Napakalalaki rin ng suweldo ng mga ito. Tapos may “SOP” pa na hindi bababa sa 20 percent sa bawat proyekto nila. Kaya nga simple lang sa kanila ang mamili ng boto tuwing eleksyon para manatili sa puwesto eh.
Again, kesa magtaas ng buwis na dagdag pahirap sa mga ordinaryong trabahador, itong mga halal na opisyal nalang ang kaltasan ang suweldo. Sobra sobra na ang suweldo ng mga yan, ang titindi pang sumahod!
***
Gusto ni President-elect Bongbong Marcos Jr. ng mga bagong mukha sa kanyang gabinete, sabi ng kanyang spokesman at Executive Secretary Vic Rodriguez.
Tama rito si PBBM. Huwag niya nang kunin yaong mga opisyal ng nakaraang administrasyon na nagpayaman lang sa puwesto at naging pabigat sa gobyerno.
Pero yaon namang may mga magandang ginawa, deserve silang italaga uli kahit sa ibang puwesto. Mismo!
***
Dapat amyendahan ang Party-list System Act. Dahil napakarami nang grupo kuno ang nakapasok na hindi naman marginalized sector.
Oo! Sa mga party-list sa Kongreso ngayon, bilang na bilang lang ang napapabilang sa marginalized sector. Karamihan ay grupo ng mga mayayaman tulad ng kontraktor, negosyante at politiko na ang tanging mga interes ay pampersonal lamang.
Tulad nitong Ako Bicol. Mga kontraktor ang nasa likod nito, grupo nina Zaldy Kho ng Sunwest Construction. Ang Probinsiyano, mga negosyanteng Fil-Chinese ito. Agimat, sa pamilya ito ni Senador Bong Revilla. Anak ng teteng!
Itong Duterte Youth, ano ito? Grupo ng kabataan na pro-Duterte, naging partylist na? Animal! Tapos yung nasa likod gurang na. Yawa!
Ang mga ganitong klase ng partylist kung talagang bubusisiin ay hindi pasok sa marginalized sector.
Mas makabubuti na burahin nalang ang party-list system act sa Konstitusyon, magdagdag nalang ng district congressman sa malalaking probinsiya para higit na matutukan ang developments sa lalawigan. Mismo!