Advertisers

Advertisers

SARI SARING USAPIN

0 1,489

Advertisers

Papalabas na ang pamahalaan ni Totoy Kulambo ngunit patuloy ang pagdami ng usaping ipamamana sa papasok na bagong namamahala. Minalas man sa halalan ang abalang pangulo, subalit mapalad ito na hindi babalikatin ang malabundok Apong problema na iiwan ng Inferior Dabaw Group. Tunay na mapalad dahil nakamit ang tahimik na buhay sa susunod na mga taon na magagamit sa tunay na serbisyong bayan. Walang kompensasyon, wala sa malalaking balita ngunit nakakataba ng pusong pagtanggap sa mga pasalamat ng maabutan ng serbisyong bayan.

Samantala, sa nakatunggali, oo nagwagi sa halalan ngunit ang pasanin dadalhin ay mas mabigat pa sa timbang ng pinagsamasamang pasanin ni Mang Juan dahil kailangang bitbitin ang usaping bayan upang ipakita na karapat dapat nitong upuan ang upuang minsang inupuan ng ama. Hindi matatawaran ang kakayahan at naway magampanan ang inatang na serbisyo hindi para sa sarili kundi para sa taong bayan, para sa Pilipino. Umaasa na ginampanan ni Boy Pektus ang hamon ng pangangailangan ng bayan. Anu-ano ba ang mga pasanin na babalikatin?

Una, nariyan ang tumaas na premium ng PHILHEALTH na walang kaukulang dagdag benepisyo sa mga kasapi. Ito ang ipinasang bayarin sa mga pagamutang pinagkakautangan ng ahensyang ito sa employed sector ng bansa. Uulitin natin, employed sector na ibig sabihin ang lahat ng Pilipinong nagtratrabaho maging sa pribado, publiko maging ang self-employed ay kailangan magbayad ng mataas na premium na nagsimula pagkatapos ng halalan. Ang masakit nito naka retro- ito mula January ng kasalukuyang taon. At tila binawi ang maliit na umento sa sahod na P33.00 na ibinigay sa mga obrero sa pagtaas ng bayad sa kalusugan ng lahat kuno. Kaya’t ang maliliit na kita’y pinaliit pa ng bawas sa Philhealth at ang mataas na halaga ng bilihin.



Pangalawa, ang hindi maipaliwanag na P800B ng SSS na mahihiya ang anomalya tulad ng Bayanihan at Philhealth scam. Payak ang paliwanag dito ng nangangasiwa ng SSS, hindi pa kuno lumalabas ang opisyal na Audit Report ng ahensya. Hindi accurate ang paglabas ng ulat dito at hindi tama na sabihin na nawawala ito. Sa totoo lang, hindi nagmula sa labas ang datos, galing ito sa ahensya na siyang pinagmulan ng ulat. Hindi magagawang sabihin ng taga labas ang P800B nawawala, galing sa loob ang usok nagkataong may nakapuna at ibinalita. Sabihin na walang pa ang opisyal na audit report, eh bakit lalabas ang laki ng halaga kundi nagmula ito sa mismong taga SSS. Mahirap imbentuhin ang datos, lalo’t may figure na pinag-uusapan. Malinaw na may hokus pokus dito kahit wala pa ang official audit report. O baka gawing pantakip sa anomalya ang audit report upang maisalba ang mga taong nanamantala. Talagang lumayo na ang programa sa korapsyon, ang dating milyon milyon naging bilyon – bilyon.

Pangatlo, ang mga hindi nakumpirma ang mga tinalaga ni Totoy Kulambo sa mga Constitutional Offices, COA, CSC at COMELEC. Hindi pinalad ang mga opisyal ng mga opisinang ito na makatawid ng Commission on Appointment at hindi na maaari pang mabigyan ng pagkakataon na ma re-appoint dahil sa nakasaad sa saligang batas. Ang masakit, nagawa nito ang mga mandato ng kanilang mga opisina lalo ang COMELEC na nagpatupad ng halalan na pinagwagian ng Inutile na kinabibilangan ni Boy Pektus at Inday Sapak. At sa panahon na magbalik ng magandang loob ang marami sa kasapian ng CA, hayun nagparada kung saan saan at hinayaan ang mga appointees ni Totoy Kulambo. Na ang kinalabasan, hayun tapos na ang kaligayahan at bahala na ang papasok na pangulo ng magtalaga ng bagong tatao sa mga opisinang ito. Malinaw na ang mga politiko’y hindi tumatanaw ng utang na loob. Una ang sarili bago ang bayan, kaya Mang Juan, abangan ang susunod na kahirapan.



Pangapat, narito na naman ang taas presyo ng gasolina na nagpapahirap sa maraming obrero sa hanay ng transportasyon. Hindi na nila malaman kung saan kukuha ng pambili ng gasolina lalo ng diesel na hataw ang pagtaas ng halaga. Sa pagtaas ng presyo ng gasolina, maraming may ari ng hulugang kotse ang hihilahin ng mga banko dahil hindi na makaipon ng buwanang pag hulog sa taas ng presyo ng pamasahe. Nauuwi sa pangGas ang boundery sa halip na sa pang buwanang hulog. May kusang nagbabalik ng otong nahiram sa halip na hatakan at masira ang credit standing.

Resulta, rematadong sasakyan, dumarami ang nawalan ng trabaho. At ang usapan sa baba, mag erbe na lang, P120 ang apat na beer, meron ng isang platitong mani at malagihay na ang pakiramdam. Kumpara sa 2 litrong gasolina na P170+ di pa makakuha ng pasahero at kung meron galit pa sa taas ng pamasahe. At huwag umasa ng pasobra o tip na bigay. Kaya ang sabi ng mga tsuper let’s drink and don’t drive, hehehe.



Panghuli, kita sa CCTV o na upload na footage ng pagbanga at tuwirang pananalasa ng isang SUV sa isang security / traffic enforcer na nagpapadaloy ng mga sasakyan sa isang Mall sa Manda. Malinaw na may intensyon ang driver ng SUV ng pananakit dahil sa halip na tumigil at asistahan ang nahagip ng sasakyan, ayun sinagasaan pa. Sa pagtutok ng media sa pangyayari na tukoy kung sino ang nagmamay ari ng sasakyan. Mailap sa media ang may ari ng SUV sa halip, tila ang kaibigan ang lumabas. Isang kapapanalong senador. Nagbabangit ito na haharapin ng may ari ng SUV ang anumang dapat harapin, babayaran ang anu mang gastusin ng biktima. Ang kagalingan nito, tila naging tagapagsalita si Senator at puro haharapin at babayaran ang dapat bayaran. O baka naghahanap pa ng driver na aako sa lahat ng pagkakamali at bahala na ang kapatid ni Sexy ang mag-aayos ng lahat. Sa pagkakataong ito, tila may magandang karma ang kababaang loob ni Sexy sa nakaraang mga araw. Kunsabagay mahaba ang anim na taon upang hindi makalimutan ang kaganapan sa Manda.

Mabigat ang haharapin ng papasok na pamahalaan, ang 31M botong tinangap ang siyang laki ng problemang kailangan resolbahin upang ang susunod na tagapagmana’y magkaroon ng magandang dahilan na muling magbalik sa Balite ng Malacanan. Mabigat ang pasanin ng bayan lalo sa mga pondong ‘di maipaliwanag kung saan ginamit. Ang mga bayaring bayan na hindi barya barya ang nagpapatigil sa maraming kabuhayan at aasa sa ayuda at himala ng gobyerno. O sadyang tutularan ang kabulastugan ni Totoy Kulambo na kinikiliti ang mga Pinoy at mabuti ang tumawa kaysa ang kumain. Sa kabilang dulo, sisinghalan ang kulto ng kalimbahin dahil mapaghanap ng tama at kalidad na buhay. Ang 14M boto ng nag-iisip at bumabalikat sa bigat ng mga bayarin ng bansa na iiwan ng IDG. Ngunit, tulad ng pinangako, wala na ang kulay kulay at ang pagkakaisa ang isusulong dahil ito ang dapat. Hindi tutol sa nais ng papasok na pamahalaan, ang mapagaan ang pasan ng bayan ang nais at ang pakiki-isa sa layunin na pag-angat ng bayan ang inaasahan, sa likod na kaganapan sa itaas. Sana’y ang pagkakaisa’y lakipan ng tamang hustisya na panagutin ang nagkasala at nagpahirap sa bayan sino man sila…

Maraming Salamat po!!!