Advertisers
Nabahala si Chickee Ocampo, tumakbong konsehal ng 6th District ng Maynila nitong nagdaang May 9 elections sa mga naging sagot ni Mayor Honey Lacuna sa kanyang naging interview sa programa ng isang TV network.
Sinabi ni Lacuna na ang kampo ni Atty. Alex Lopez, ang ‘Team Pagbabago’ na hindi maka-move-on na natalo ng grupo ng ‘Asenso Manilenyo’.
Sinabi ni Ocampo, na ayon kay Lacuna na sa halip hikayatin ng Team Pagbabago, na mag-move on ang kanilang grupo, nagsumite pa ng ‘electoral protest’.
Ipinahayag ni Ocampo na maging siya mismo naghain ng reklamo laban sa Asenso Manilenyo.
“Nais ko pong malaman ninyo na karapatan ito ng lahat ng Filipino na lumalahok sa larangan ng politika na gustong makapagsilbi ng maayos sa kanilang mga kinauukulan or within their jurisdiction,” wika ni Chickee.
Mariing sinagot ni Ocampo na matagal ng nakapag-move-on ang kanilang grupo kung kaya nagawa nilang mag-file ng reklamo laban kina Lacuna, Yul Servo, at mga konsehal ng anim na distrito dahil marami ang nagulat ng magkaroon ang buong Asenso Manilenyo ng napakatataas na boto na kahit kailan hindi pa nangyari sa kasaysayan ng politika sa Maynila.
Ayon kay Ocampo, marami silang nadiskubre sa nagdaang eleksyon sa Maynila na nagbigay linaw sa kanilang mga pag-aalinglangan sa naging resulta ng botohan sa lungsod.
Kaya nangangako ang Team Pagbabago, na nalalapit na ang panahon upang ilabas nila ang katotohanan kung bakit naging 9-0 ang resulta sa bawat distrito sa Maynila.
“Ayaw ng Manilenyo ng mga mandaraya o mamili ng boto upang manalo lang,” dagdag ni Ocampo.
“Tuloy ang kabilang kampo sa pamimili ng boto, kahit mayroon CCTV. Anila, parte ito ng kultura ng Filipino, matagal ng nangyayari at dapat tanggapin na.”
Samantala, sinabi ni Ocampo na hindi ito parte ng kulturang Filipino, dahil hindi ito ang itinuro sa paaralan. Itinuro sa iskul, ng ating mga magulang, Simbahan at ibang pang relihiyon na huwag manlamang, mandaya at magnakaw.
Ayon kay Ocampo, mayroon sinasabi si Lacuna na ang pamilya nito hindi nasangkot sa kahit na anumang anomalya at pinangangalangaan ito ni Honey. Subali’t pinabulaanan ito ni Chickee at sinabing sinungaling si Honey dahil hinatulan ng 3rd Division ng Sandingangbayan ang mga magulang ni Mayor Honey na sina dating Vice Mayor Danilo Lacuna at Melanie ‘Inday’ Honrado-Lacuna sa pagkakaroon ng mga kuwestyonableng ari-arian habang nakapuwesto sa City hall mula 1998 hanggang 2004, na may civil case no. SB-12-CVL-002 for forfeiture of unlawfully acquired properties na nadesisyunan noong July 7, 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
Sina Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang , Associate Justice Sarah Jane Fernandez at Bernelito Fernandez ang humatol sa pamilyang Lacuna at pinababalik ang mga ari-arian naipundar mula sa katas ng pondo ng Maynila nang isa-pinal ang desisyon nang ibasura ang motion for reconsideration noong January 8, 2021.
Ang mga properties na pinakukumpiska at ipinasasauli ng Sandiganbayan pabor sa gobyerno ang kinatitirikan bahay at lupa ng pamilyang Lacuna sa No. 3802 Biyaya St., Bacood, Sta. Mesa (Biyaya Property); House and Lot na nasa No. 541 Saklolo cor Biyaya Sts., sa Sampaloc (Saklolo Property) na ilegal na naipundar ni Lacuna bilang Vice Mayor noong 1999.
Ang lote nagkakahalaga ng P2.8M sa Tagaytay City (Tagaytay property), na nabili noong 2000; isang Honda CRV at Hyundai Starex; limang (5) shares of stocks na umaabot sa P6,605,000.
Malinaw ang desisyon ng Sandiganbayan: “This disproportion creates a disputable presumption that the properties acquired from 1998 to 2004 were unlawfully acquired and that the respondent-spouses (Danilo and Melanie Lacuna) have the burden of rebutting the presumption.”
Kamakailan, ibinenta naman ng nagdaang administrasyon ng Maynila ang Divisoria public market ng walang kaukulang konsultasyon sa public stakeholders, kaya nitong Abril 26, pormal na silang sinampahan ng kasong graft o paglabag sa R.A. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act partikular na ang mga responsable at may pakana ng maanomalyang bentahan ng palengke.
Kabilang sa listahan ng mga kinasuhan sina dating Mayor Isko Moreno, dating Vice Mayor Honey Lacuna, Councilor Joel Chua, Jong Isipl Bernardito Ang, Secretary to the Mayor; Manuel Zarcal, assistant secretary to the mayor.
Maging ang mga pinamahaging food packs noong panahon ng pandemya na ipinamahagi sa mga Manilenyo pinakakitaan din.
At sa panahon din ng pandemya isinara ang sampung health centers, at tatlong lying in para lamang maitayo ang sampung gusaling bago sa Maynila. Kung saan ibinaon pa sa utang ang naturang lungsod.
Ayon pa kay Ocampo, nakuhang mangutang nina Lacuna sa panahon ng pandemya ng P15 bilyon na walang public consulatation.